Saturday, January 12, 2008

Hindi na po uulit

Agnes Villa Huerta-Gomez

pagdungaw at pagngiti ng araw
balikwas agad sa banig na sabutan
kumain ng malatang kanin na may pandan
binahugan ng kape, kasama ang tuyong nangingisay

kumatok sa pinto ng kalarong mutaan at sipunan
na inakit at inuto para ako samahan
na mang-umit ng blanco at alhambra
para baunin sa paglalaba

pagdating sa ilog na pumapalakat ang agos
nag-unahan sa puwesto para mag-redi sa pagkukusot
inilabas ang palu-palo at sabong panlaba,
at syempre pati ang sigarilyong itim na alhambra

sinubong pabaliktad ang naturang sigarilyo

nasa loob ang baga, parang tambutsong umuusok
tumutulo ang laway habang nagbibida
maya-maya’y umikot ang mata, nahilo na pala

tinangay ng anod ang labadang kinukusot
palibhasay nakahandusay na sa tabi ng ilog
ang kalarao, agad na kumuha ng dahong ambabangot
upang ipaamoy sa ilong na puno ng kulangot

pag-uwi, binulaga ng mulagat na mata ni nanay
nalaman nya na ako’y nagpaswi, tumulo ang laway
kapagdaka’y humaginit sa hangin ang pamalong uway
ang malikaskasang kong tulatod, sa pasyok naglatay.

napa-aringking ako at halos humilahod sa sakit

at walang nasabi kundi: “aray nanay, di na po uulit”

Monday, December 3, 2007

Pantabangan: Hindi Pagugupo

Agnes Villa Huerta-Gomez

Ako'y iniluwal sa bayang Pantabangan.

doon namulat at tinubuan ng malay;

ganda ng buhay, sa aking bayan nasilayan;

ilog, bundok, kaingin, at kagubatan.


Kaylawak ng bukid, ng tanimang parang

na pinagyaman ng ninunong mga angkan;

sa mga bangin, burol at talampas

tumibay itong aking kamusmusan.


Subalit isang umaga sa aking pagmulat,

sinalubong ako ng lungkot at poot,

mga kababaya'y abala sa pagahahakot

ng mga kagamitang balkot-balkot.


Hangga ngayon, tanong ko pa rin sa sarili:

bakit tayo pinalikas nang dali-dali?

upang pagbigyan ang pamahalaang isip ay bakli,

at doon sa ibang lugar tayo ay magbakasakali?


Ilang taon ding ibinaon sa limot

ang pasya ng gobyernong buktot;

ang bayan nating sa tubig pinalubog

hanggang ngayon, sa dibdib ko'y kumukurot.


Pag lumilitaw ang tuktok ng lumang simbahan

parang ako'y nasasabik, ako'y natatakam

na muling makita, muling matuntungan

ang sinilingan kong lumang Pantabangan.


Kayraming nawala, kayraming nasayang

na biyayang bukid, ilog, kabuhayan;

sa ginawang dam, iba ang nakikinabang

habang tayo'y lugmok, mga kababayan.


Sa kabila ng lahat , narito ang Pantabangan

Narito at matatag, patuloy na lumalaban;

May sinag na nasisilip sa likod ng ulap na kaykapal,

Hindi pagugupo sa anumang pagdaramdam.




Sunday, December 2, 2007

Sa Iyong Kandungan, O Pantabangan

Genoveva Circa Barcelo-Regehr


Tumatagaktak ang pawis,

habang tumatakbong patalilis;

mga paa'y sumusudsod sa alikabok

mga kuko'y bumabaon sa putik.


Hingal-kabayo sa pagtakbo,

tumatakas sa magulang

patagong lumulusong sa Pasong hagdanan!

Nagbabaga ang kalsada,

tagos ang init sa gomang de-ipit.


Musmos na karanasan,

batang Pantabangan.


Ilog na kaakit-akit

ang aming libangan,

walang pangambang tumatabsung,

lumalangoy sa layon,

umuusok na ang mga mata'y hindi pa rin pansin,

walang balak magsiahon!


Ang mga ina naman, akay-akay ang mga paslit

sunong ang batyang sa labada'y dasik na dasik.

Maghapong magkukusot, magkukula,

ang mga damit, pinapalipitan at pinapalupalo pa,

Halos mabalinghat ang mga braso nila!


Pag dating ng hatid na pananghalian --

sa sardinas at nilagang talong

wala na agad pambulos,

taob ang bandehadong pinagkainan!


Pagdating ng Disyembre, may parada ng parol;

tanda ko pa, sa kasabikan ko aking sinindihan,

nagliyab ang kandila, gumapang ang apoy

para tuloy akong tutang nagkakahol.

Tarantang nagtatakbo papunta kila Inang Bunding

Pero ang sabi niya, wala nang natirang papel!


Nagmamadali akong gumawa ng paraan,

Pinagtatagpian ang bandang nasunugan.

Kaya naging dalawa ang itsura ng aking parol:

makinis ang isa, midmiran ang kabila.

Nang nag-umpisang maglakad,

palibot sa Hulo at Luwasan,

tinawag ang mga greydtu “Dito kayo!”

Parol kong tinagpian, aking ikinubli

Walang sinumang nakaalam ng pangyayari.


Di ko pa rin nakakalimutan

ang pamamasyal sa kaparangan;

sa kainitan ng araw, pagalingan sa pag-akyat

sa santol at duhat; ang buto ng santol

pati buto, isinasakmol, nilulumod!


Musmos na karanasan,

Batang Pantabangan.


Nakikinita ko pa, sa lumang bayan

pag tunog ng kampana,

mabilis kaming nagtatakbuhan,

lulundag sa bakod, papasok

sa kaloob-looban ng simbahan;

mag-uunahan sa pag-usyuso sa taong yumao.


Sariwa pa rin ang mga gunita

ng pamumulot ng sineguelas

nila Tang Kardo, madalas kaming luputin

ng mabagsik nilang aso!


Ang sarap manungkit ng sampalok at kamatsili,

ngumuya ng bayabas at pumang-os ng tubo;

Sa tindang tubo ni Tang Ilad, di makatawad!


Hindi rin makakalimutan

ang mahahabang prusisyon, kantahan, at pasyon;

mga nobena at pag-oorasyon ni Apon Sion;

ang pagtula ni Tang Ambong makata,

ang paglalala ng banig ni Apong Guyang,

ang mga huling hipon sa pagsasakag ni Apong Andres,

Ang paghihintay na mahinog ang mabangong guyabano.


Naroon din ang harangan-taga sa liwanag ng buwan,

na kahit sa pag-idlip baon sa panaginip.


Dito sa dayuhang lupain, laging naiisip,

parang katabi ang nilakhang bayan,

idinuduyan ang isip ng mga alaalang tumatawag

ng pagbalik sa iyong kandungan, O Pantabangan!


SAPUTAN

Emmanuel Villajuan Dumlao


Nang maglapad

ang barbong gagamba ni Kuwatog,

agad itong inagwad ng patahan ni Pangat;


Pinang-it at pina-ikit-ikit

na parang maliit na bola ng sinulid.


Nang mabalkot ng kumikinang na sapot

kinatsit ulit -- di na magagamot

ng sambakol mang ambabangot.


At habang halos maglupisak

sa galak si Pangat,


Kumakatis naman ang hamog

sa tulaw ng talunang si Kuwatog.