Hindi na po uulit

pagdungaw at pagngiti ng araw
balikwas agad sa banig na sabutan
kumain ng malatang kanin na may pandan
binahugan ng kape, kasama ang tuyong nangingisay

kumatok sa pinto ng kalarong mutaan at sipunan
na inakit at inuto para ako samahan
na mang-umit ng blanco at alhambra
para baunin sa paglalaba

pagdating sa ilog na pumapalakat ang agos
nag-unahan sa puwesto para mag-redi sa pagkukusot
inilabas ang palu-palo at sabong panlaba,
at syempre pati ang sigarilyong itim na alhambra

sinubong pabaliktad ang naturang sigarilyo
nasa loob ang baga, parang tambutsong umuusok
tumutulo ang laway habang nagbibida
maya-maya’y umikot ang mata, nahilo na pala

tinangay ng anod ang labadang kinukusot
palibhasay nakahandusay na sa tabi ng ilog
ang kalarao, agad na kumuha ng dahong ambabangot
upang ipaamoy sa ilong na puno ng kulangot

pag-uwi, binulaga ng mulagat na mata ni nanay
nalaman nya na ako’y nagpaswi, tumulo ang laway
kapagdaka’y humaginit sa hangin ang pamalong uway
ang malikaskasang kong tulatod, sa pasyok naglatay.
napa-aringking ako at halos humilahod sa sakit
at walang nasabi kundi: “aray nanay, di na po uulit”