doon namulat at tinubuan ng malay;
ganda ng buhay, sa aking bayan nasilayan;
ilog, bundok, kaingin, at kagubatan.
Kaylawak ng bukid, ng tanimang parang
na pinagyaman ng ninunong mga angkan;
sa mga bangin, burol at talampas
tumibay itong aking kamusmusan.
Subalit isang umaga sa aking pagmulat,
sinalubong ako ng lungkot at poot,
mga kababaya'y abala sa pagahahakot
ng mga kagamitang balkot-balkot.
Hangga ngayon, tanong ko pa rin sa sarili:
bakit tayo pinalikas nang dali-dali?
upang pagbigyan ang pamahalaang isip ay bakli,
at doon sa ibang lugar tayo ay magbakasakali?
Ilang taon ding ibinaon sa limot
ang pasya ng gobyernong buktot;
ang bayan nating sa tubig pinalubog
hanggang ngayon, sa dibdib ko'y kumukurot.
Pag lumilitaw ang tuktok ng lumang simbahan
parang ako'y nasasabik, ako'y natatakam
na muling makita, muling matuntungan
ang sinilingan kong lumang Pantabangan.
Kayraming nawala, kayraming nasayang
na biyayang bukid, ilog, kabuhayan;
sa ginawang dam, iba ang nakikinabang
habang tayo'y lugmok, mga kababayan.
Sa kabila ng lahat , narito ang Pantabangan
Narito at matatag, patuloy na lumalaban;
May sinag na nasisilip sa likod ng ulap na kaykapal,
Hindi pagugupo sa anumang pagdaramdam.