Showing posts with label Roldan Bero. Show all posts
Showing posts with label Roldan Bero. Show all posts

Hagupit ng Habagat

 Tanawin mo ang himpapawid
Ang mga ulap ay napakabilis
Walang ibong nagnanais maglayag
Sa langit na mapanganib at mailap

Bumubuhos ang mga dahon
Sanga nila ay hindi makapagtanggol
Mga murang bunga ng palusapis
Maaga mong pagbulusok ay napakasakit

Mga talahib sa kaparangan
Lahat ay nakaharap sa silangan
Bulaklak ng kugong nagliliparan
Iisa lang ang  patutunguhan

Masdan mo ang tahimik na lawa
Pinailap ng habagat kaya nagwawala
Along banayad na napakalinaw
Biglang lumabo at bumubulyaw

Alikabok sa daang hindi semento
Gumuguhit, umiikot tulad ng ipuipo
Tahakin nang masundan mo ang tono
Ng awit ng hanging nagsisintunado

Bangkang de-sagwang papasuba
Lumalaro sa along humahalakhak
Di magawang umabante, puro paatras
Sinasalpok ng alon hanggang mabutas

Tinatahip niya ang mga gapasin
Sa kabukiran ay namiminsala rin
Hindi pa naani mga palay na tanim
Ay gusto na niya itong isaing

Sa lakas ng pagihip mo
Linukot mo ang mga yero
Sa kabahayang sinalanta mo
Isang buntong walisin ang inabutan ko

Sa bagwis ng lawin ikaw ay pahirap
Gusto mong lasagin ang kaniyang pakpak
Kong baguhan ka na mahinang kumawag
Sa kanyang kandungan ang iyong bagsak

Sa mapaglarong buhawi sa ating isipan
Kinukutikot niya ang ating pananaw
Wag kang padadala sa agos ng kasamaan
At baka ilipad ka rin sa kawalan

Katulad mo matalik  kong kaibigan
Ang pagsalungat sa hangin ay may kahirapan
Wag kang padadaig kung tama ka naman
Sagupain mo lang, sundin ang kalooban

Pangkaraniwang Tao


1.
Pangkaraniwang tao bilib ako sa iyo
Patas ka ikaw ang aking idolo
Pangkaraniwang tao, sino ba ang tutuo?
Sinong nagkukunwari sa mundong magulo.
Sino ang nasa harap mo? Na kasama mo pag talikod mo.

2.
Wag mong ikahiya ang mabuting gawa
Sunog mong batok sa kapapasada
Sumusugal ka sa init ng kalsada
Kumita ka lang ng barya
Sa pagtahak mo sa madayang lansangan
Isipin mong pamilya mo ay naghihintay.

3.
Nasa itaas ka ng gapok na poste
Nakapaikot sa katawan mo kalawangang kable
Ang sahod mo naman kulang na lang ay libre
Sa bawat pagbatak mo ng mga kawad
Kalyuhan mong kamay ginhawa din ang hangad
Maliwanag ang buong kabayanan
Ngunit ang tahanan mo ay walang ilaw

4.
Maghapon- magdamag ka sa bangka
Ang alam mong ikabubuhay ay pangingisda
Trabahong marangal at masagana
Kinita mong pera di galing sa masama
Taas lang ang noo mo, iba ka sa kanila
Babad ka man at sukpot sa tubig
Alam mong hanapbuhay ay hindi ganid

5.
Tutubuan na ng mutha ang kuko mo
Sa putik ng pinitak na kaakap mo
Araro at paragus ang sandata mo
Itinanim mong pangarap madaling tumubo
Ang ama sa langit ang kasama mo
Ang bunga ng kasipagan bukas aanihin mo

6.
Sa ating pangalawang tahanan
Sila ang mistula nating mga magulang
Tinuturuan, dinidisiplina nila tayo
Nagtitiyaga sa ating ugaling magulo
Hindi ko makakalimutan ang aking mga guro
Salamat sa sakripisyo at ibinigay nyong talino

7.
Kayo ang pangkaraniwang tao
Kayo ang aking tutuong idolo
Sa buhay nating mahirap ay patas kayo
Ginagampanan ninyo nang maayos ang trabaho
Para po sa inyo ang tula kong ito
At sa mga taong hindi gawain ang manloko

LAMPARA


1.
malulam na sinag
umaandap-andap
garapang basag
said na ang gaas
musingang dingding
na sawaling tadtad
umitim sa usok
sa isang magdamag

2.
dapit hapon na
bahagyang madilim
lamparang luma
sa pasimano nakabitin
pagsapit ng gabi
ilong ay mauling
sa kaunting dingas
ay may liwanag din

3.
mga gamugamo
umaaligid na sa iyo
inakit mo sila
ng kinang mong malabo
unahang makalapit
saka sila lalayo
mahina mong ilaw
minsan ay nakakapaso

4.
sa aking pag-sulat
ako'y nakadukdok
sa linya ng papel
mga letra'y nakaungos
natapos kong tula
ay gusut-gusot
puro pa bura
at lukot-lukot

5.
sasapit na ang umaga
pahina na din ang lampara
tilaok ng manok
ang kanyang kasabay
sa bukang-liwayway
lampara ay mamamatay
iniwang bakas sa kisami
parang anino lang ng dwende

6.
maghapong pahinga
ang aking lampara
napudpod niyang mitsa
kulang isang dipa
pakpak ng insekto
sa sahig naglipana
marami ding napinsala
kahit gapurit ang baga

7.
sa bote ng bilog ginawa
at puruntong na rutrut
ginto ng sigarilyo at lata
buo mo na ang lampara
ilaw nga naman ng tahanan
kung tawagin ng ilan
katulad din ng isang ina
magdamag kang babantayan

8.
gaya ng maraming tao
buhay ay panandalian
kung maliwanag ka ngayon
samantalahin mo lang
darating din ang panahon
mawawalan ka ng saysay
iniwan mong alaala
kung pangit ay abo lang

Ikaw ang aking alaala

1.  
Kung ako ay mawawala
Lumikha ka ng isang tula
Para sa aking nakaraan
Ikuwento mo ang aking talambuhay
Malungkot man o napakasaya
Ang katutuhanan ang iyong ipakita
Wag mo sanang kulangan at dagdagan
Mga nangyaring ikaw ang may alam

2.
At sa aking paglisan
Isulat mo ang isang kanta
Awiting may kabuluhan
Patungkol sa aking kasaysayan
May himig na malamyos
At malambing na salita
Magiisip ang tagapakinig
Mamamangha sa ating musika

3.
Kung hindi mo na maalala
Ang itsura ng aking mukha
Iguhit mo ang larawan ko
Sa papel na napakaluma
Hulaan mo ang aking anyo
Ng ako ay nabubuhay pa
Kulayan mo lang ng lapis
At tutulungan kita sa dati kong wangis

4.
Ikaw ang aking ala-ala
Dito sa maiiwan kong lupa
At sa ating muling pagkikita
Titingnan ko ang iyong mga obra
Ang larawan ko, awit at tula
Hahanapin ko kong iyong ginawa
Kung sa langit man iyon
Sabay nating babalikan ang kahapon

5.
Umaapaw ang aking kaligayahan
Sa mga alaalang aking iniwan
Sa maraming panahong paglalakbay
Sa lupang ating hiniram lang
Sa mga bagay na aking naranasan
Na ginampanan bilang nilalang
Sa mundong aking tinambayan
Ngunit ito ay panandalian lang

6.
Sa mga isla at lugar ng pinuntahan
May mga bakas akong naiwanan
Wag mo ng subukang sundan
Kung di ka maligaw baka di mo malimpasan
Sa mga taong aking nakaulayaw
Kanilang natatandaan iba-iba kong palayaw
Ipagtanong mo ang tunay kong pangalan
At iilan lang ang nakakaalam

7.
Sa araw na iyon nandito ka sana
Sa aking tabi nagpapatawa
Pawiin mo ang aking lungkot
At punasan mo ang aking luha
Hawakan mo ang aking mga kamay
Huling payo ibubulong ko sa iyo
Mahalagang tagubilin sana marinig mo
Wag sanang kalimutan mula sa tatay mo.

sinu-sino.

(awit para sa siera madre)

1.wag mong sunugin ang gubat,
wag mong lasunin ang dagat.
wag mong babuyin ang hangin,
wag mong sirain ang bukas.
hindi lang ikaw ang humihinga,
at marunong mangarap.

kaibigan, may panahon pa.
kalimutan ang masamang balak.

2.wag mong putulin ang puno,
wag mong gibain ang bundok.
wag mong putikin ang tubig,
wag mong paitimin ang langit.
hindi lang ikaw ang humihinga,
at gustong mabuhay pa.

kaibigan, may panahon pa.
pag-isipan ang binabalak.

refrain....

ang natitirang panahon at oras,
ay para sa ating lahat.
lahat ng bagay sa mundo,
ay igalang mo at isispeto,
tayong lahat ay may hangganan,
bukas sa mundo tayo ay lilisan.
paano naman silang maiiwan?
ang natitirang panahon at oras,
ay para sa ating lahat....

kaya, kaibigan may panahon pa.
pagisipan, ang binabalak.
kaibigan, may panahon pa.
kalimutan ang masamang balak....

Ang Tabo

1. ay si inang dinala niya sa kasilyas
saka gagamitin panghugas ng bigas.
nakasabit sa kusina minsan s batalan
nakita ko sa igiban at palikuran.

2.gamit ko panligo sa may balon
gamit niya pandilig ng mga talong.
minsan ay tagayan sa may inuman
madalas babaran ng pustiso ni tatang.

3.kasama ng timba sa tagtuyot
katulong ng rigador na pansalok.
gamit ni utoy sa pangiwang
sa ibabaw ng mesa pirmanohan. 

4.kagamitan kong ginto ang katumbas
siya ang katulong ko sa paglalanggas.
oh tabo matalik kong kaibigan
makakatulong kita sa pyesta ng sn juan...