Showing posts with label Rossana Uera-Gealan. Show all posts
Showing posts with label Rossana Uera-Gealan. Show all posts

Sandali Lang Aking Anak

Parang kailan lang di ba?
Nang ako’y nagpaalam
Sa iyo aking anak
Aalis muna ang iyong ina
Upang tumungo sa bansang Canada
Ang malungkot mong mga mata
At mahigpit mong mga yakap
Ang nagsilbing agam-agam
At kayhirap sa damdamin
Pati ang bayang sinisinta
Kahit na sa gunita
Parang hindi ko makakaya
Di na kayang tapakan pa
Subali’t gaya ng sinabi ko
Sandali lang aking anak
Sa puso ko babaunin
Ang pagmamahal ko sa iyo
Hindi kita lilimutin
Ikaw’y laging aalalahanin
Sa bawa’t sandali ay palilipasin
Pangalan mo ay uusalin
Tatanawin sa bintana
Ang malayong papawirin
Larawan mo’y  hahalikan
Bago matulog sa gabi
Panalangin,dadasalin
Aking anak sana’y ligtas
  
Mahal na Poong San Andres
Kasali siya sa paggabay
Ito lamang ,aking hiling
Sa matuwid ,siya’y ihatid
Aking anak lumalaki
Tanging ama ang kapiling
Sana’y kapwa makatiis
Sa pagsubok ng pagkawalay
Akong ina ng tahanan
Sinubukang mangibang bayan
Tingin ay bagong pag-asa
Bagong buhay sana’y palarin.


Sa Lumang Pantabangan

            Sumasagi pa rin sa aking isipan
            Ang lumang Pantabangan
            Na aking sinilangan
            Doo’y simpleng buhay
            Masayang karanasan
            Nung ako ay bata pa’t
            Nagsimulang nagkamalay

            Kami’y naglalaro ng bahay-bahayan
            Buwal preso,ihip,sungka at tagu-taguan
            Pagsapit ng gabi sa liwanag ng buwan
            Kami rin ay di maawat sa pagbibidahan
            Lalo’t magkikita kila Inang Tentay
            Subali’t pag nag-umpisa ang katatakutan
            Sa pagkaripas ng takbo ay una-unahan.

            Sa punong balimbing naalala rin
            Kami’y umaakyat
            Kahit na madilim
            May baong sitsaron,butong pakwan at asin
            Minsan ay kumakanta,kaya napapansin
            At aming mga nanay,kami raw ay pauwiin.

            Kapag bakasyon na lagi kaming sumasama
            Sa pangangahoy doon sa tumana
            O kaya sa malapit sa ilog kung tawagin
            Bundang,Dipunglo at Tawirang Bukid
            Pagkatapos mangahoy,kami’y nagpipiknik
            Bao’y kanin at bukayo at kapirasong daing
            Mayroon din namang pindang,de lata at saging
            Kaya’t kahit kami’y pagod,
            Uuwi namang busog.

Sa Batuhang Ito


Dito sa batuhang ito
Ang hiling ko sana’y narito ka;
Kayhirap ihambing o ilarawan
Ang walang kahulilip na kagandahan
Ang kalikasan sa dalampasigan
Na aking napagmasdan.






Mayroon pa palang ganitong batis
Ang tubig ay lumalagaslas
At ubod nang lakas,
Humahampas sa nagpapang-abot
Na maliliit at malalaking bato,
Upang ang agos ay maipon
Sa isang alauli na animo hari --
Malakas at makapangyarihan
Inaangkin ang bawa’t tubig na nahigop
Subalit walang patumanggang
Bumabalik sa pinanggalingang karagatan.

Sa  buhanging aking tinapakan
Mga paa ko’y ibinaon sa kailaliman
Upang damhin ang garas ng mga butil
Mukhang pino kung pagmamasdan.
Ulit-ulit na ikinakaskas ang mga paa
Upang matanggal ang libag
na balato ng  matagal na pagkakabalot
Sa  medyas at sapatos.

Sa palad ko ang buhangin
Kapag aking dinadakot
Bumibitiw, at sa tubig
Parang bulang naglalaho;
Bawa’t butil pumipiglas
Kumakawala’t,napapalis
Kahit na pigiling pilit, umaalpas
Tila isang lumayang ibong pipit.


Kapag kami’y tumingala
Tanaw ang duyang umuuga,
Masasayang mga tao
Nakatingin sa ibaba
Pinagmamasdan ang isang talon
Sa talampas na kahanga-hanga,
Malalim at ubod-linis,
Nag-aanyaya ng pagsisid.

Mga puno sa paligid
Tila sumusukdol na sa langit
Pataasan, patayugan
Nang liwanag ng araw ay masilip;
Naglipana ang mga ibon,
Palipat-lipat, pabalik-balik
Pumapaswit, umaawit
Sa mga kahoy at siit.

Mga sangang sa tubig ay humahalik
Sumasalubong at natatangay
Ng mga trosong naaanod,
At mga batong nilulumot
Sa sapyok ng tubig lumilikha ng  tunog,
Isang musikang gumitaw sa pandinig
Kaya sumandaling  mga mata’y ipinikit,
Hanggang batakin ng pag-idlip.

Sa muling pagmulat, ako’y nagnilay
At pagbabalik tanaw sa mga biyaya
At gawa ng Maykapal.

Sa maghapong pananatili
Sa lugar na itinangi,
Hindi ko mapigilan
Ang magmuni-muni,
Umukilkil sa isip
Ang mga dating gawi
Nakaukit sa damdamin
Kayhirap ng abutin.

Sa Ating Pagkakalayo


Pipikit sandali
At magmumuni-muni,
Panaginip lamang kaya
O katotohanan
Na dapat tanggapin
Na tayo’y magkalayo muna
At di magkapling?

Sa bawat sandali
Puso’y may pighati.

Inaasam-asam ko ang dating buhay --
Sabay na dumudulog sa hapag-kainan
Pinagsasaluhan ang pagkaing
Inani sa bakuran,
Sa masayang kuwentuhan
Ng kung anu-anong bagay
Naroon ang tuwa at pagbibiruan.

Ngayon pagsapit ng gabi
Kapiling ko ang lungkot;
Kayakap ka sana
Sa aking pagtulog,
Pero ni isang bulong mo
Wala nang marinig,
At walang madama
Kahit na kalabit.

Ang ating tahanan
Kahit na maliit,
Ngayon ko naisip
Kayhirap umalis;
Lalo’t dati-rati’y
Sama-samang tunay
Ang isang pamilya
Na nagmamahalan.

Mahirap ang malayo
Sa piling mga minamahal,
Parang nakatusok na tinik
Sa  laging hapong dibdib;
Lalo na pag naiisip ang bunsong
Ngayon lamang nawalay
Sa piling ng inang sumusubaybay.

Ngayon nga

Ngayon nga’y laging kasama na
At nasabik sa isat-isa
At ituloy ang umpisa
Kahit na pagkatagal na
Ang nakalipas ay wala na
Itong ngayon at ang bukas
Pupunuin ng sigla at saya.

Sa iyong piling o kaibigan
Pamamasyal,pagsasaya
Binabawi ang sandali
Pagkainip ay di wari
Mga taong malalapit
Sa ating bayang tinatangi
At mga taong gustong makita
Sa panaginip na lamang pala.

Larawan


Pabalik-balik...
Hinahatid, naglalakad sa batuhang daan,
Kung di lamang ubod nang tigas
Siguro’y nadurog na sa paulit-ulit  na pagyapak.

Paulit-ulit...
Araw-araw maghapong naghihintay,
At pagdating ng uwian
Sigurado kasama ka,
Binabalikan ang masasayang sandali
Pero usapa’y tila kay-igsi,
Nasisiyahan na sa isang sulyap
Sa may bintana
Habang ikaw’y papauwi.

Ilang taon na rin pala ...
Dito  sa luma mong larawan
Mukhang bata ka pang tingnan,
Walang pagod, walang hirap na nadarama
O pagsubok na inaalintana.

Tandang-tanda ko pa
Noong araw na tayo’y nagtagpo
Sa landas ng pagkakataon,
Doon sa lugar na sagrado
Nakilala natin ang bawat isa,
At nabuo nga ang samahang
Pinatibay ng panahon.

Saksi ang mga ibong malayang lumilipad,
Ang mga bulaklak na makulay
Kaaya-aya sa pamumukadkad.

Kaytagal nga palang maghintay
Kung di alam kung kailan darating
Kayhirap palang isipin ng mga bagay
Na sa iyong palagay ay di mangyayari.

Ngayon, wala na akong alinlangan,
Tinitingnan ko ang bago mong larawan,
May balbas ka na, at ang buhok mong
Dati’y kaykapal unti-unti nang numinipis;
Taglay mo na ang hinog na isip
At buo ang loob sa pagsisikhay
Tungo sa matagumpay nating buhay.

Ang Lapis at Papel

Lapis at papel
Ang aking libangan
Pamawi ng lungkot
Dito sa  dayuhang bayan,
Sa lapis at papel
Naiibsan sumandali
Ang pangungulila
Sa naiwang pamilya
Na pagkalayo-layo.

Sa umaga paggising
Lapis agad ang yakap ng mga daliri,
Ibubuhos sa papel  ang laman ng dibdib:
Mangungumusta, makikibalita,
Magtatanong kung may araw o may ulan;
Ibabalita ang lamig ng niyebe.

At lagi kong binabanggit
Na ayos naman ang buhay,
Kumakain ako nang sapat
At ang tulog ay kaysarap;
May silid  at liguan,
May TV at telepono
Bukod pa ang computer
DVD  at saka radio.

Kapag Linggo’y nasa pasyalan,
Sa kapatid o  kaibigan;
Nililibot ang magagandang lugar,
Naglalakad, sumasakay
Sa bus, sa ferry o sa tren;
At maraming nakikitang
Mga  taong  masasaya.

Kaya kahit malayo
at paglalayo ay kaypait,
Dahil sa lapis at papel
Pagmamahal ay malapit;
Sa piling ng tinatangi
May pag-asang makakamit.

Huling Sulyap sa Manggahan


Mga sangang nababangal,
Mga  ugat na nakalitaw;
Mga dahong mayayabong,
Mga bungang  naglawit;
Pabalik-balik sa pag-akyat,
Inuugoy, niyuyugyog;
Taas-baba sa indayog.

Walang awat sa maghapon
Kami sa buwan ng bakasyon,
Sa Businlak, aming bukid
Laruan namin noong mga paslit.

Doon mayroong bahay
Na yari sa kawayan,
May punong papaya
Sa may bandang kanan.