Showing posts with label Bernadette Barcelo-Dela Cruz. Show all posts
Showing posts with label Bernadette Barcelo-Dela Cruz. Show all posts

Agam-agam


Pagtungtong ng alas onse
Tibay na sya habang nagpapaswi sa balkonahe
Palihim ang pag-inom ng sioktong, pampagana raw sa pagkain
Pero kapag nakadalawang tagay, nag-iiba na ang diskarte

Napapalitan ng bagsik ang bait
Ng malutong na mura ang pag-aalala
Tumatagos sa dibdib ko
Ang talim ng bawat kataga

Sa umaga pagkagising
Almusal ay nakahain
Kapagdaka’y maghahanda na sa eskwela
Umaapaw ang puso sa ligaya

Subalit pagsapit ng tanghali
Di na naman mapakali
Tanghalian masarap ma'y tila walang silbi
Dadatnan kaya syang may ngiti sa labi?

Takot ang bumabalot
Napapaisip minsan, ako kaya ay iniirog?
Bakit kapag may tama na
Nakakalimutan ang pagsinta?

Paulit-ulit nagtatanong
Sinusupil ang tinig
Baka mapagbintangang busong

Maraming araw ang lumipas
Paglayo’y tinuring na kalayaan
Sa syudad pinilit nakipagsabayan
Salat man sa pag-ibig, akin kayang mapagtagumpayan?

Nagpatianod sa agos ng buhay
Sumabay, kumampay, kumapit, nagpumilit
Dumating ang pagkahapo
Agad sumaisip ang pagsuko

Nang-aakit ang dalampasigan
Nakakatukso ang kapaligiran
May kubong tulugan
May pagkain sa hapag kainan

Mahirap palang  pumalaot
Kapag ang puso’y may hinahanap na sagot
Pag-ibig nga ba ay di nakamtan?
O maaring di lamang napahalagahan?

Aligagang alipanog


Nagkukumahog sa pagsalag
Kaliwa’t kanan, ang pag-ilag
Pagtatagni ng kabulaanan
Nagbubulid sa kapahamakan

Aligaga nang totoo
Ayan at di magkandatuto
Anta anong ipinag-aalala mo?
Mabunyag ang totoo?

Alipanog ka kasi
Inintindi sana ay pagpapabuti
Trabahong marangal at pagsisilbi
Hindi pagpapayaman ng madali

Sintang a at simpalong ni tatang
ni inang, ng mga kapatid at pinsan
Kasama ng sawa nang taong bayan
Siguradong hindi na kayang lusutan

Kundangan kasi’y isa kang palalo
Kaya ngitngit ng bayan ngayo'y iyong sinasapo
Taanggapin mo't pagdusahan ang katotohanan
Ipagbubunyi naman namin ang aming  kalaayaan.

Kibord

Matalik na kaibigan
Araw-araw kaulayaw
Isinasalin laman ng isipan
Nagpapangiti kung may lumbay
Inihahatid mo laman ng aking puso
Lungkot napapawi sa bawat dotdot ko
Buhay ko’y paano kung tayo’y magkalayo?
Kasiping ka sa tuwina
May nabuo ng ngang pag-ibig sa isa’t-isa
Sa tuwing tayo’y nagniniig
Ligaya’y walang kaparis.
Salamat sa iyong pang-unawa
Ipagpaumanhin mo kung minsan
Sa pagkasura’y napagbubuntunan
Iyo sanang pagpasensyahan
Kung ika’y aking napagdadabugan
Tuwina’y hinahanap-hanap iyong lambing
Mga haplos tuwing nagsisiping
Wala ng hahanapin pa
Kompatibol na tayong dalawa