Showing posts with label Alexander Mainit. Show all posts
Showing posts with label Alexander Mainit. Show all posts

SULAT PARA KAY INA


(PARA SA KARAWAN NG MGA MAGULANG)
Ina
halos 16 na taon na din ng huli kitang makita
tanda ko noon nang paluin mo ako
dahil nagnakaw ako ng balubad ni Patay na ilog,
sabi mo kahit mahirap laang tayo
ay hindi mo kami pinalaking magnanakaw
kasama mo akong nagpapatani sa kaingin ni kuyang Frod
kasamang nagsisimba tuwing Linggo

namimis ko na rin yung lagi mong iniluluto
na binagungang talbos ng ampalaya na may kamatis,
kahit alang tinapa masarap din;
kasama kitang nahiram ng bigas kapag alang maisaing

alam mo ina kung ang tawag nila sa akin noon ay pasusot na bata
Sir, na ang tawag nila sa akin ngayon!
kung noon nakikihiram laang ako ng bisikleta,
meron na din akong serbis na ginagamit ngayon --  maganda siya ina,
sabi ko sana, andito ka para maisakay kita, ililibot kita kahit saan
pero alam ko hindi ka sasakay, kasi uuk-ukin ka laang

sana ina nakikita mo kapag akoy kanilang pinapalakpakan
sana naririnig mo kapag sinasabi nilang magaling  ang iyong sinabi
sana nakikita mo kapag kumakain
at tinatanong nila ako kung ano ang gusto ko

Ina, kahit masarap na ang kinakain ko ngayon,
hinding hindi ko ipagpapalit ang luto mo kahit patani laang
kasi alam ko luto mo yon, kahit kung minsan alang bitsin
kasi nga alaman tayong pambili

Maganda na rin ang tinutulugan ko ngayon,
Malamig at aircon pero, Ina, hinding- hindi ko ipagpapalit
yung higaan ko noon, yung katabi kita,
tapos kapag mainit papaypayan mo ako
alam ko napupuyat ka, pero ginagawa mo yun makatulog laang ako

alam mo ina kung mayroon man akong hinihiling sa diyos,
sa mga oras na ito, sasabihin ko sa kanya
bigyan naman niya ako ng kahit isang minuto na maakap ka
para masabi ko sayo na salamat ina sa lahat ng ginawa mo sa akin

ina gusto ko palang sabihin sayo
alam ko at nakikita ko
mahal na mahal ka pa rin ni tatang hangang ngayon.

MALIGAYANG KAARAWAN NG MGA INA

ang bunso mong anak,

SWE

ALANG BULAANAN


Diman ako abogado, lalong diman ako husgado
Pero makalito na ang nangyayari sa bayan ko at sa bayan mo.
Ang vice mayor ng bayan na sinilangan ko,
Pinagbibintangan na nagrape ng isang babaeng menor de edad umano,
Pero itong si Romeo todo tanggi at ito daw ay hindi totoo.
Pano daw niya rereypin ang babae, kung siya ay lehitimong nobyo,
Kaya nabuntis ang babae, at walang nangyaring pilitan dito

Maraming gustong tumulong, sa nasabing kulat na babae,
Ang iba naman ay sinasakyan ang isyu, kasi nga balak nilang kumandidato,
Magagamit nga naman ito sa pagkuha ng boto.

Vice mayor kong kaibigan,
Ako ay diman nagbubulaan, alam mong kilala mula sa Conversion hangang Cadaclan,
Na ang tatay mo’y madaming naanakan,
Alam kong ikaw ay nasasaktan kapag ang tatay moy kanilang niyuyurakan
Sapagkat ika’y anak na tunay ng sa kanya’y nagmahal.

Nasabi mo minsan, ang kasalanan ng mga nauna ay hindi mo tutularan,
Gusto mo’y pagbabago para sa ikauunlad ng ating bayan ,
Lalot higit alam mo kung papano masaktan,
kung ang ama mo ay niyuyurakan.

Sa ngayon madami ang nalilito, alin nga ba ang totoo,
Sabi mo ito ay pakana lamang ng mga kalaban mo
Upang makahakot sila ng madaming boto
Totoo man ito o hindi, ako ay napamuni-muni
Nang marinig at makita ng asawa at mga anak mong itinatangi,
Na bukod sa kanilang ina na sa bahay ninyo ay namamalagi,
Meron pa palang iba, na sa puso mo itinatangi.

Alam kong alam mo kung ano ang nararamdaman
Ng isang anak na ang ama ay niyuyurakan,
Sapagkat tunay mo itong naramdaman at naranasan
Wag na tayong magbulaanan , hindi mo pweding sabihing sanay na sila dyan
Sapagkat nakasalalay dito ang kanilang dangal at kinabukasan

Para sa kanila hindi naman mahalaga, kung totoo o hindi
ang ibinibintang sa iyo, ang mahalaga ay maramdaman nila
lalo na ang iyong asawa na siya lamang ang nasa puso mo twina,
ngunit papano nga mangyayari yun , sa media ay inamin mo pa
na ang babaeng sa iyo’y nag-aakusa
inamin mong kayo’y magsyota talaga

ano kaya ang naramdaman ng bunso mo kaibigan,
alaman tayong bulaanan kung ano ang iyong nararamdaman,
kapag ang tatay mo ay pinagtatawanan,
yun din ngayon ang kanilang nararanasan
at kahit kailan hindi sila masasanay dyan.

Kaibigan ko ,
Wala akong hangad na masama sayo,
Ang inaalala ko lamang ay ang mga anak at asawa mo,
Kung ikaw ay kayang tagalan ang mga ito ,
Kasing tibay din kaya ng dibdib mo ang mga dibdib ng mga mahal mo?

Meron pang pag-asa, malaki pa ang iyong magagawa,
Upang maayos ang iyong pamilya,
Alalahanin mo lamang, na walang unang rerespeto sa iyo nang totoo,
Kung hindi ang asawa at mga anak mo,
Madami diyan sa iyong paligid  akala mo kaibigan mong totoo,
Pero nandiyan laang sila habang may pakinabang sa iyo.

Hindi ako banal o santo,
Upang ituro at sabihin sayo ang dapat mong gawin,
At  ikaw mismo alam mo kung ano ang totoo,
Dalangin ko laang na makayanan pa ng iyong pamilya,
Mga anak,asawa at ikaw mismo,
Ang mga pagsubok na dinaranas mo.

Isang maaliwalas na bukas. 

Serbisyong Makupad

Sabi sa akin ni ating Uping, yung nakatira doon sa may kaingin,
Ano naman na! itong nangyayari dito sa atin,
Ala ng maisaing, mahal pa ang tubig na pweding inumin.
Kung titingnan, napapaligiran  tayo tubig na napakalalim.
May planta pa ng kuryenteng kawad ay naglambitin.

Todo kayod tayo para lamang makabayad
pero patay-sindi ang ilaw, serbisyo’y makupad,
Kapantay natin ay yung mga nakatira sa siyudad,
samantalang kinikita natin halos di sumasapat.

Si Tang Inting maghapon kung magtrabaho,
kahit makuba tuloy pa rin Sabado man at Linggo
kasama ng mga anak kumakayod nang todo
Pero ang kinikita halos pambayad laang sa kuryenteng nakunsumo.

Aking naiisip ang mga paghihirap,
Ng mga taong nauna sa atin na pinanganak,
Tabong luha ang sa kanilang mata’y dumanak,
Bago lisananin ang lumang Bayang pangarap.

Pangako sa kanila’y buhay na masagana,
Loob ng bahay magliliwanag gabi at umaga.
Sila ay hindi na magpapasan ng timba,
Sapagkat sa kusina tubig ay dadaloy na.

Ngayon ang pangako sa kanila ay di makita,
buhay sa nilipatang bayan ay ibang-iba,
Ang inasam nilang buhay na maligaya
Tila yata isa na lamang malikmata.

Sabi naman ng aking kaibigan,
Ang pangakong yan sa ating mga tatang,
ibaon na lamang sa libingan, wag sisihin ang bagong pamahalaan.
kasalanan daw yan ng mga naunang sa atin ay nanungkulan.

Hindi ko naman ipinapapasana bagong pamahalaan,
ang mga pagkakamali ng ating mga Tatang,
pero gusto kong ibida tungkol sa  mga bayang aking napasyalan,
doon sa may nakatayong planta tulad sa ating bayan.

Tubig at ilaw nila ay di hamak na mababa sa pangkaraniwan,
samantalang dito sa atin, di ko malaman kung ano ang dahilan
kung bakit presyo ng kuryente ay katulad din sa kamaynilaan,
kaya hirap na hirap makabayad ating mga kababayan.

Naihalintulad ko tuloy si ating Uping sa tren na magigiba na,
Katawan niya ay pagal na pagal sa maghapong pagtintinda,
Ngunit kita niya parang ninanakaw, naglalahong parang bula
Sa taas ng singil sa kuryente, pagkain na sana sa kanilang mesa.

Ang tumatagaktak na pawis ng mga tulad ni ating Uping
ay nangangailangan ng ating malasakit at pagpansin,
Subalit tanong sa akin ni kuyang Efren, kakayanin kaya natin
Kung sarili nating pawis hirap na hirap tayong pahirin?

Samantalang  yung mga taong nakatalagang pagod nati’y pawiin,
 sa iba nakalingon, tila walang anumang napapansin,
sabagay nila ito pasanin, dahil hindi naman sila pawisin,
sagana sila sa aircon, tatak  pa nga ay Coolin

Ating Uping at kuyang Efren, tayo na laang ay manalangin,
na tayo ay pakinggan ni San Andres na Patron natin,
at sana ang mga kabataan natin ngayon ay matuto ring tumingin
sa kalagayan ng mga kababayang tulad ni ating Uping.

Kung ang mga nanunungkulan ay di na maasahan
na hanguin tayo sa kinasadlakang kahirapan,
kung sila ay patuloy na magmamaang-maangan
tayo na laang ang magkusa, ibangon ang Pantabangan.