Pag-ibig at Tungkulin Kay Ina


(Isang sakot-sakot na ulam handog kay Ka Noel)

Salamat Ka Noel, you wake me a up sa pagtulog,
Titik sa tula mo’y nanuot sa pusong mahina na ang pagtibok.

Ramdam ang mensahe na gusto mong ipaabot.
Sa isang tulad kong sa tungkulin ay nauudlot.

Tula mo’y apoy na nag-paalab ng damdamin,
Pumupukaw, gumigising sa gaya kong matampuhin.

Pag-ibig sa Inang Bayan marapat lang at pangunahin,
Sa isang anak na [kulat] tapat at masunurin.

Ka Noel, tunay kang modelo at simbolo,
Sa Bayan kung naghihingi ng pagbabago.

Muli ay tatayo upang makaagapay sa’yo,
Sa layuning mithi ng mga ka-ANTA ko.

Sagkaan ang yuta-yutang pag-utang


(Panawagan sa angkan ni Minggan)

Ano nga bang magiging kabuluhan?
Kundi punuin laang bulsikot ng mga hunghang.

Ka-Anta gumising ka at huwag magbing-bingihan,
Bagkus sumama ka sa grupong makabayan.

Iyong karapatan ay dapat laang ipaglaban
Upang ang Bayan mo ay maahon sa kahirapan;

Nunong Minggan, Inang Mariang Sinukuan,
Kami nawa’y inyong gabayan at kasihan.

Bangungot ng Abunab


dinalaw mo ako kagabi
habang nakahimlay ako sa sa labnot na banig;
matamlay ang ibon subalit may ngiti ang iyong kilatis.

katulad ng dati mong bati,
nagbahid ng kulay ang umagang sumibol ang liwanag;
nababalutan ng hamog ang iyong mga paa;
nakalakip sa palad mo ang puting kamia
na nagdulot ng bango;
inilakip ko ito sa aking pisngi
at itinabi  sa pag idlip.

sa aking pag aaligapgapan,
hindi ako nakapagpaalam;
paalis na ako sa ating bayan.

hind mapaknit sa aking alaala
ang pagsunod-sunod mo pagkatapos ng klase;
umaraw-umulan nakabuntot sa aking likuran,
ang hindi mo alam, gusto kong huwag nang magwakas ang daan.

mga putik sa daan hindi naging sagabal;
sa tutok ng araw dinig ko'y umaawit ang iyong mukhang pawisan;
hindi ko man nadinig pero dama ko ang iyong kaba;
sana'y mahawakan ko man lang nang mahigpit ang iyong mga kamay;

maaliwalas pa sa langit.

kung hindi ko iniiwas ang aking tenga sa mga batang tukso
disin sana ako'y nasa piling mo;
sa gabing malalim mga alulong ng aso iyong sinasalubong,
wala kang takot sa mga amat na nagmamasid;

hanggangn bumuka ang kampupot sa dilig ng ulan.

naghihintay pitasin;
humahalimuyak ang dama de noche sa pisak ng karimlan;
tumindig ang waling-waling sa tirik ng araw --
tanging mga saksi na ang iyong pagmamahal ay tunay.

sa pagsalubong ng bukangliwayway;
Abunab laang pala ang aking kapiling;
yakap-yakap  ang  umaga,
kumakatok, sumisilip.

nagbigay ng lakas at pag-asa.

sa kamatayan may kagrugtong ang buhay;
doon tayo maghahawak-kamay.

Siya'y Nag-iisa


Ang sinapupunang banal ay kanlungan ko pa din ngayon,
Tuwing nadadapa at nasusugatan, siya pa din ang naghihilom,
Siya'y dampa na tahanang sa unos ay tumutugon,
Pintuan at bintana niya'y nakabukas sa tutuloy.

I
Init ng pagmamahal niya'y lakas ng anak na mahina,
Parang pakpak ng inahin sa mga anak ay kalinga,
Nawawala ang pangamba lahat ay makakaya na,
Basta ikaw aking ina ay kapiling ko tuwina.

II
Ikot ng araw niya'y lampas katanghalian na,
Dalangin ko sa Diyos Ama ang buhay niya'y habaan pa,
Sapagkat gawin mang isang libo ang anak na magmamahal sa kanya,
Ang Nanay ay walang kapalit sapagkat siya'y nag-iisa.

Ngayon na!


Ngayon na ang pagmulat sa mga matang nakapikit,
Kaytagal na panahon ding inaliw sa madilim, ang paniniwalang
di napukaw ng panaghoy, pinilit sinadyang isara
habang ang mga buwaya at mga buwitri'y naglipana,
pinapangal ang mga butong natitira pa
ng inang bayang pinagsamantalahan nila.

I
Ngayon na ang panahon upang gisingin ang iba,
ang sinimulan sa panulat ay ibahagi, mga tula,
sanaysay, gumuhit, magsalarawan, at ating ibandera
ang naitago sa dilim sa liwanag ipakita!

II
Ngayon na ang pag-apula ng mapanira at matalas na apoy,
Na walang awang lumalamon ng kabuhayan at buhay,
Ng dangal at pagkatao niyaong musmos na mga  kabataan,
Ng mahina't malabagsak  pa sa paglaban sa buhay.

III
Ngayon na ang panahon, sapagkat ngayon na nga,
Na ang mga dyablo'y nananalasa at hindi na masawata,
Hindi nga tayo mga Diyos, hindi rin si Bathala,
Subalit may tungkulin tayo na dapat gampanan sa bayan at sa kapwa.

Bantayog


May pangalang iniiwan ang sikat na mang-aawit,
Himig ng awitin niya'y nasa daloy ng pagsambit,
Bawat bagay ay may pangalan tumatatak, nawawaglit,
Inaalala ng awiting may damdamin na hatid.

I
Ano bang alaala ang tinayo mo't di mapaknit?
Sa buhay ng iyong kapwa ay pagdurusang di mawaglit,
Kastilyo ba ng buhangin may aninong nagsusulit,
Ng kapwang walang puso at sa mga dukha'y nanlalait?

II
Anong aral ang pamana mong nakintal sa 'ting kabataan?
Na hahabi sa malusog at progresibo nilang kaisipan,
Ikaw ba'y nagtipon lamang upang ang sarili'y makinabang,
Walang saysay ang talinong makasarili't  mapanlamang.

III
Ang buhay ay parang bula, parang halamang sumisibol,
Na bukas o mayamaya'y nawawala't nalilipol,
Ang ganda at talino mong hinahangaan sa ngayon,
Kisap-matang mapaparam sapagkat nakatago lang sa baul.

IV
Umugit na sa puso ang pagka-api't, pagkaawa,
Ang hagupit ng latigo nilang mapang-alipusta,
Kung ang dangal ay yurakan nilang mga lobong maninila?
Ay ano pa ang bantayog kundi rebolusyon ng mga aping dukha.

V
Anong silbi ng pangalang binabantayog sa lansangan,
Na pinupuri't pinagpupugayan ng mga matang napiringan?
Wala na nga, wala na, na tatanim pa sa isipan,
Kundi magtayo ng bantayog ng pag-ibig at kabutihan.

Balat-Kayong Tupa


Pumapailanlang na naman ang ipu-ipong nakikipaglaro sa ulap,
Nakikipaglaro sa paligid, sinusubok ang mabuway at matatag,
Tinitimtim ang kahinaan kung saan masisilo ang kapwa,
Ganyan ang mga pulitiko masining, mapagkunwari makuha lang ang gusto,
Walang hindi kakamayan sino ma'y yayakapin, ngingitian,
Pagod na nga pero sige lang ganyan silang mamuhunan,
Pagod na nga pero sige lang, kahit na ngiting aso, pakunwaring pagbabatian,
Nakikihalubilo sa kawan ng karaniwang tao,
Sinusukat lang pala ang mga pangangailangan nito,
At matapos alamin ang karamdaman ay agad nang lalapatan ng kagamutan,
Ang alok na salapi ay bumubukal, pampagamot, pampaaral, kabuhayan at puhunan,
Subalit ato'y hindi bukal at taal na pagtulong,
Bagkus ay namuhunan lang, pagkaupo na ang singil itutuloy,
Mag-ingat ka, bayan mag-ingat ka!
Mga tupang yan ay balat-kayo lamang
Sila'y mababangis, di tunay ang kaamuan,
Mga lobong maninila na sasalakay sa bayan!