Agam-agam


Pagtungtong ng alas onse
Tibay na sya habang nagpapaswi sa balkonahe
Palihim ang pag-inom ng sioktong, pampagana raw sa pagkain
Pero kapag nakadalawang tagay, nag-iiba na ang diskarte

Napapalitan ng bagsik ang bait
Ng malutong na mura ang pag-aalala
Tumatagos sa dibdib ko
Ang talim ng bawat kataga

Sa umaga pagkagising
Almusal ay nakahain
Kapagdaka’y maghahanda na sa eskwela
Umaapaw ang puso sa ligaya

Subalit pagsapit ng tanghali
Di na naman mapakali
Tanghalian masarap ma'y tila walang silbi
Dadatnan kaya syang may ngiti sa labi?

Takot ang bumabalot
Napapaisip minsan, ako kaya ay iniirog?
Bakit kapag may tama na
Nakakalimutan ang pagsinta?

Paulit-ulit nagtatanong
Sinusupil ang tinig
Baka mapagbintangang busong

Maraming araw ang lumipas
Paglayo’y tinuring na kalayaan
Sa syudad pinilit nakipagsabayan
Salat man sa pag-ibig, akin kayang mapagtagumpayan?

Nagpatianod sa agos ng buhay
Sumabay, kumampay, kumapit, nagpumilit
Dumating ang pagkahapo
Agad sumaisip ang pagsuko

Nang-aakit ang dalampasigan
Nakakatukso ang kapaligiran
May kubong tulugan
May pagkain sa hapag kainan

Mahirap palang  pumalaot
Kapag ang puso’y may hinahanap na sagot
Pag-ibig nga ba ay di nakamtan?
O maaring di lamang napahalagahan?

2 comments: