May pangalang iniiwan ang sikat na mang-aawit,
Himig ng awitin niya'y nasa daloy ng pagsambit,
Bawat bagay ay may pangalan tumatatak, nawawaglit,
Inaalala ng awiting may damdamin na hatid.
I
Ano bang alaala ang tinayo mo't di mapaknit?
Sa buhay ng iyong kapwa ay pagdurusang di mawaglit,
Kastilyo ba ng buhangin may aninong nagsusulit,
Ng kapwang walang puso at sa mga dukha'y nanlalait?
II
Anong aral ang pamana mong nakintal sa 'ting kabataan?
Na hahabi sa malusog at progresibo nilang kaisipan,
Ikaw ba'y nagtipon lamang upang ang sarili'y makinabang,
Walang saysay ang talinong makasarili't mapanlamang.
III
Ang buhay ay parang bula, parang halamang sumisibol,
Na bukas o mayamaya'y nawawala't nalilipol,
Ang ganda at talino mong hinahangaan sa ngayon,
Kisap-matang mapaparam sapagkat nakatago lang sa baul.
IV
Umugit na sa puso ang pagka-api't, pagkaawa,
Ang hagupit ng latigo nilang mapang-alipusta,
Kung ang dangal ay yurakan nilang mga lobong maninila?
Ay ano pa ang bantayog kundi rebolusyon ng mga aping
dukha.
V
Anong silbi ng pangalang binabantayog sa lansangan,
Na pinupuri't pinagpupugayan ng mga matang napiringan?
Wala na nga, wala na, na tatanim pa sa isipan,
Kundi magtayo ng bantayog ng pag-ibig at kabutihan.
No comments:
Post a Comment