Balat-Kayong Tupa


Pumapailanlang na naman ang ipu-ipong nakikipaglaro sa ulap,
Nakikipaglaro sa paligid, sinusubok ang mabuway at matatag,
Tinitimtim ang kahinaan kung saan masisilo ang kapwa,
Ganyan ang mga pulitiko masining, mapagkunwari makuha lang ang gusto,
Walang hindi kakamayan sino ma'y yayakapin, ngingitian,
Pagod na nga pero sige lang ganyan silang mamuhunan,
Pagod na nga pero sige lang, kahit na ngiting aso, pakunwaring pagbabatian,
Nakikihalubilo sa kawan ng karaniwang tao,
Sinusukat lang pala ang mga pangangailangan nito,
At matapos alamin ang karamdaman ay agad nang lalapatan ng kagamutan,
Ang alok na salapi ay bumubukal, pampagamot, pampaaral, kabuhayan at puhunan,
Subalit ato'y hindi bukal at taal na pagtulong,
Bagkus ay namuhunan lang, pagkaupo na ang singil itutuloy,
Mag-ingat ka, bayan mag-ingat ka!
Mga tupang yan ay balat-kayo lamang
Sila'y mababangis, di tunay ang kaamuan,
Mga lobong maninila na sasalakay sa bayan!

No comments:

Post a Comment