Sining at Kultura

Ang sining at kultura ang siyang sumasalamin sa kaluluwa ng isang bayan
Ngunit ito ay mapapansin at mapapahalagahan lamang kapag ang sikmura ay di na nakalam
Sapagkat kung ang "survival" natin na pang-araw-araw ay walang kasiguruhan
Ang sining at kultura pa kaya ay magkapuwang  sa puso at isipan?

Aanhin natin ang guhit, larawan o tulang pampagising ng isipan
Kung ang ulo at katawan ay manhid na sa kahirapan?

Ang buhay ay kaysarap damhin at namnamin sa mas mataas na dimensyon
Kung malaya na sana tayo sa kahirapan at pagkagutom
Ang ano mang guhit o kataga ay magbibigay inspirasyon
Upang makamit at madama pagkakaugnay natin sa kalikasan at Arkitekto ng panahon

Akoy naniniwala na balang araw tayo ay magkikita
Sa isang lugar na lahat malaya na
Mayroong kasaganaan
at pawi na lahat ng luha sa mata

Ngunit ang tanong ito kaya saan naroroon?
Bababa ba ito sa lupa tulad ng isang daluyong?

Ito ba ang sinasabing langit ng mga poon
Na nakahanda na noon pang unang panahon?

Ang kahirapan nga raw at pagkaapi ay dapat pasalamatan
Sapagkat ito ang pases tungo sa kalangitan?

O di kaya ang langit ay dito na rin sa lupa?
Kung saan ang buhay tayo ang nagawa
Ngunit pag pinairal poot, ganid at kabulastugan
Di kaya ang impyerno ay nasa tabi-tabi lang?

No comments:

Post a Comment