Baling-Uway


Baging kang nakikita sa kadawagan
Dahon na pahaba luntiang pagmasdan
Minsan santaon nakikita sa bayan suot ng penitensya
Nakapulupot sa katawan o kaya nama’y binabahag

Napupuno ng dugo sa bulyos pagwasiwas
Hinahaplit likod na sa labaha ay winindang
Makni daw ang hapdi lalo nat nabubugahan
Ng tubig na minumog sa bibig ni pinsan

Mga bata at ako’y takot lumapit
Sabi nila’y wag daw kaming papatilamsik
Sa dugong dahil sa bulyos ay pinaturumpit
Sala daw ng penitensya ang sa amin ay kakapit

Nagtitika daw kaya nagpenitensya
Panatang taun-taon dapat ay gawin nya
Meron namang iba nagbibigay saya
Pagkatapos ng misa may kasuntukan na

Alimbuwasang dito alimbuwasang doon
di namin alam kung saan susulong
baka mahagip ng lokong penitensya
at sa aming nanonood malipat ang dugo nya.

No comments:

Post a Comment