mabangong bulaklak sa gabing tahimik
kariktan sa iyo ay nakaukyabit
aking likuran pilit mong tinutusok,
mga tinik mo’y ibinabaon sa panangga kong bulak.
minsan, sa isang putikan ako’y nabalaho
sa matalim na tuod, ako’y nabunggo
ngiting maasim ang iyong tugon; sa harapan ay maamo
baboy damo ka palang kung sumalakay ay patago.
haplos at hagod mo’y sing-gaspang ng panghilod;
sa tilamsik ng iyong mga kataga
mababasa na ang kabuuan ng iyong aklat
kahit di na buklatin ang pamagat.
kalooban mo’y durog
na paminta sa aking tao-tao,
sa gitna ng dilim,
aninag mo'y kumikislap
sa iyong pagdating, rangya at ganda mo’y nagniningning
sa kapwa naman ay pisak ang iyong turing.
isa kang tulisan sa gubat,
bunga at bulaklak ay namumukadkad
sumsayaw kasabay ng lawiswis ng sapa
subalit di makalangoy sa gitna ng dagat.
pumapataw –lumulubog, sumisinghap-singhap
nakahambalang, sa hagibis ng alon ay sumasampiyad,
paanod-anod, sa
gitna ng daloy ay uungap-ungap
hindi maabot ang araw, kahit pilit na inaagwad.
GOOD AGNES...
ReplyDelete