Tanawin mo ang himpapawid
Ang mga ulap ay napakabilis
Walang ibong nagnanais maglayag
Sa langit na mapanganib at mailap
Bumubuhos ang mga dahon
Sanga nila ay hindi makapagtanggol
Mga murang bunga ng palusapis
Maaga mong pagbulusok ay napakasakit
Mga talahib sa kaparangan
Lahat ay nakaharap sa silangan
Bulaklak ng kugong nagliliparan
Iisa lang ang patutunguhan
Masdan mo ang tahimik na lawa
Pinailap ng habagat kaya nagwawala
Along banayad na napakalinaw
Biglang lumabo at bumubulyaw
Alikabok sa daang hindi semento
Gumuguhit, umiikot tulad ng ipuipo
Tahakin nang masundan mo ang tono
Ng awit ng hanging nagsisintunado
Bangkang de-sagwang papasuba
Lumalaro sa along humahalakhak
Di magawang umabante, puro paatras
Sinasalpok ng alon hanggang mabutas
Tinatahip niya ang mga gapasin
Sa kabukiran ay namiminsala rin
Hindi pa naani mga palay na tanim
Ay gusto na niya itong isaing
Sa lakas ng pagihip mo
Linukot mo ang mga yero
Sa kabahayang sinalanta mo
Isang buntong walisin ang inabutan ko
Sa bagwis ng lawin ikaw ay pahirap
Gusto mong lasagin ang kaniyang pakpak
Kong baguhan ka na mahinang kumawag
Sa kanyang kandungan ang iyong bagsak
Sa mapaglarong buhawi sa ating isipan
Kinukutikot niya ang ating pananaw
Wag kang padadala sa agos ng kasamaan
At baka ilipad ka rin sa kawalan
Katulad mo matalik
kong kaibigan
Ang pagsalungat sa hangin ay may kahirapan
Wag kang padadaig kung tama ka naman
Sagupain mo lang, sundin ang kalooban