Sining at Kultura

Ang sining at kultura ang siyang sumasalamin sa kaluluwa ng isang bayan
Ngunit ito ay mapapansin at mapapahalagahan lamang kapag ang sikmura ay di na nakalam
Sapagkat kung ang "survival" natin na pang-araw-araw ay walang kasiguruhan
Ang sining at kultura pa kaya ay magkapuwang  sa puso at isipan?

Aanhin natin ang guhit, larawan o tulang pampagising ng isipan
Kung ang ulo at katawan ay manhid na sa kahirapan?

Ang buhay ay kaysarap damhin at namnamin sa mas mataas na dimensyon
Kung malaya na sana tayo sa kahirapan at pagkagutom
Ang ano mang guhit o kataga ay magbibigay inspirasyon
Upang makamit at madama pagkakaugnay natin sa kalikasan at Arkitekto ng panahon

Akoy naniniwala na balang araw tayo ay magkikita
Sa isang lugar na lahat malaya na
Mayroong kasaganaan
at pawi na lahat ng luha sa mata

Ngunit ang tanong ito kaya saan naroroon?
Bababa ba ito sa lupa tulad ng isang daluyong?

Ito ba ang sinasabing langit ng mga poon
Na nakahanda na noon pang unang panahon?

Ang kahirapan nga raw at pagkaapi ay dapat pasalamatan
Sapagkat ito ang pases tungo sa kalangitan?

O di kaya ang langit ay dito na rin sa lupa?
Kung saan ang buhay tayo ang nagawa
Ngunit pag pinairal poot, ganid at kabulastugan
Di kaya ang impyerno ay nasa tabi-tabi lang?

Hagupit ng Habagat

 Tanawin mo ang himpapawid
Ang mga ulap ay napakabilis
Walang ibong nagnanais maglayag
Sa langit na mapanganib at mailap

Bumubuhos ang mga dahon
Sanga nila ay hindi makapagtanggol
Mga murang bunga ng palusapis
Maaga mong pagbulusok ay napakasakit

Mga talahib sa kaparangan
Lahat ay nakaharap sa silangan
Bulaklak ng kugong nagliliparan
Iisa lang ang  patutunguhan

Masdan mo ang tahimik na lawa
Pinailap ng habagat kaya nagwawala
Along banayad na napakalinaw
Biglang lumabo at bumubulyaw

Alikabok sa daang hindi semento
Gumuguhit, umiikot tulad ng ipuipo
Tahakin nang masundan mo ang tono
Ng awit ng hanging nagsisintunado

Bangkang de-sagwang papasuba
Lumalaro sa along humahalakhak
Di magawang umabante, puro paatras
Sinasalpok ng alon hanggang mabutas

Tinatahip niya ang mga gapasin
Sa kabukiran ay namiminsala rin
Hindi pa naani mga palay na tanim
Ay gusto na niya itong isaing

Sa lakas ng pagihip mo
Linukot mo ang mga yero
Sa kabahayang sinalanta mo
Isang buntong walisin ang inabutan ko

Sa bagwis ng lawin ikaw ay pahirap
Gusto mong lasagin ang kaniyang pakpak
Kong baguhan ka na mahinang kumawag
Sa kanyang kandungan ang iyong bagsak

Sa mapaglarong buhawi sa ating isipan
Kinukutikot niya ang ating pananaw
Wag kang padadala sa agos ng kasamaan
At baka ilipad ka rin sa kawalan

Katulad mo matalik  kong kaibigan
Ang pagsalungat sa hangin ay may kahirapan
Wag kang padadaig kung tama ka naman
Sagupain mo lang, sundin ang kalooban

Baling-Uway


Baging kang nakikita sa kadawagan
Dahon na pahaba luntiang pagmasdan
Minsan santaon nakikita sa bayan suot ng penitensya
Nakapulupot sa katawan o kaya nama’y binabahag

Napupuno ng dugo sa bulyos pagwasiwas
Hinahaplit likod na sa labaha ay winindang
Makni daw ang hapdi lalo nat nabubugahan
Ng tubig na minumog sa bibig ni pinsan

Mga bata at ako’y takot lumapit
Sabi nila’y wag daw kaming papatilamsik
Sa dugong dahil sa bulyos ay pinaturumpit
Sala daw ng penitensya ang sa amin ay kakapit

Nagtitika daw kaya nagpenitensya
Panatang taun-taon dapat ay gawin nya
Meron namang iba nagbibigay saya
Pagkatapos ng misa may kasuntukan na

Alimbuwasang dito alimbuwasang doon
di namin alam kung saan susulong
baka mahagip ng lokong penitensya
at sa aming nanonood malipat ang dugo nya.

di mo maaabot ang araw, kahit pilit mong inaagwad


mabangong bulaklak sa gabing tahimik
kariktan sa iyo ay nakaukyabit
aking likuran pilit mong tinutusok,
mga tinik mo’y ibinabaon sa panangga kong bulak.

minsan, sa isang putikan ako’y nabalaho
sa matalim na tuod, ako’y nabunggo
ngiting maasim ang iyong tugon; sa harapan ay maamo
baboy damo ka palang kung sumalakay ay patago.

haplos at hagod mo’y sing-gaspang ng panghilod;
sa tilamsik ng iyong mga kataga
mababasa na ang kabuuan ng iyong aklat
kahit di na buklatin ang pamagat.

kalooban mo’y  durog na paminta sa aking tao-tao,
sa gitna ng  dilim,  aninag  mo'y kumikislap
sa iyong pagdating, rangya at ganda mo’y nagniningning
sa kapwa naman ay  pisak ang iyong turing.

isa kang tulisan sa gubat,
bunga at bulaklak ay namumukadkad
sumsayaw kasabay ng lawiswis ng sapa
subalit di makalangoy sa gitna ng dagat.

pumapataw –lumulubog, sumisinghap-singhap
nakahambalang, sa hagibis ng alon ay sumasampiyad,
paanod-anod,  sa gitna ng daloy ay uungap-ungap
hindi maabot ang araw, kahit pilit na inaagwad.

Kwarenta na si Manong


(Tula kay ka Lando)

Naririnig ko madalas nilang sinasabi
Na edad kuwarenta ang umpisa ng buhay ng lalaki
Sa inuman sa kanto pati sa mga barbero
Lagi itong sinasambit ng mga katoto

Sa paglipas ng panahon akin ngang napatunayan
Sa pagdating ng kuwarenta ng mga kalalakihan
Maraming pagbabagong pisikal, emosyonal  at espiritwal
Sa una di matanggap ngunit yun ang katotohanan

Andyan si ka Lando na magpapatunay
Na ang dating madali ngayon ay may kahirapan
Ang dating natatapos ng ilang minuto lang
Ngayon ay napakatagal at may kasama nang hingal

Ang dating nababasa ngayon ay malabo na ang letra
Lalo pag nag-facebook kailangan na ang salamin sa mata
Ang dating maikli ngayon ay humahaba na
Tulad ng pasensya at pang unawa sa iba

Oh kay sarap tumanda ganito pala talaga
Lagi na sa bahay sa piling ng pamilya
Kumpuni dito kumpuni doon nagiging libangan na
At ayaw nang malayo sa mga apo na kahali-halina

Ngunit isang katotohanan aking napatunayan
Kung bakit ang lalaki sa kuwarenta nag uumpisa ang buhay
Kasi sa edad na ito ang syang nagdidikta
ay ang nasa pagitan ng dalawang tenga
Di tulad noon ang laging sinusunod nya
ay ang sumpong ng nasa pagitan ng hitang dalawa.

Unos


Nagpulasan at umapaw ang mga sumisigaw
Katulad ng pag-aldabis ng kulog sa kalawakan
Sumaklob ng itim, bumalot sa kawalan
Nagbadyang lumuha itong kalangitan.

Humampas ang habagat, kasabay ng pagbagsak
Luha ng karimlan, unti-unting pumatak
Natulirong panahon, nagdabog sa hirap
Binunot ang nakatarak, sabay ang pagkidlat.

Bumaha ng salita gaya ng pagragasa
Bumuhos ang damdamin, at itoy kumawala
Gaya ng pag-apaw ng tubig sa isang timba
Mula sa bubungang butas, sinahod ang luha.

Nabalot ng hiwaga ang lumuluhang gabi
Umawit ang hangin, at pabulong na nagsabi,
Hindi nagagapi ng unos ang mapagpalayang pagsasabi
Ng katotohanang sana ay maisang tabi.

Agam-agam


Pagtungtong ng alas onse
Tibay na sya habang nagpapaswi sa balkonahe
Palihim ang pag-inom ng sioktong, pampagana raw sa pagkain
Pero kapag nakadalawang tagay, nag-iiba na ang diskarte

Napapalitan ng bagsik ang bait
Ng malutong na mura ang pag-aalala
Tumatagos sa dibdib ko
Ang talim ng bawat kataga

Sa umaga pagkagising
Almusal ay nakahain
Kapagdaka’y maghahanda na sa eskwela
Umaapaw ang puso sa ligaya

Subalit pagsapit ng tanghali
Di na naman mapakali
Tanghalian masarap ma'y tila walang silbi
Dadatnan kaya syang may ngiti sa labi?

Takot ang bumabalot
Napapaisip minsan, ako kaya ay iniirog?
Bakit kapag may tama na
Nakakalimutan ang pagsinta?

Paulit-ulit nagtatanong
Sinusupil ang tinig
Baka mapagbintangang busong

Maraming araw ang lumipas
Paglayo’y tinuring na kalayaan
Sa syudad pinilit nakipagsabayan
Salat man sa pag-ibig, akin kayang mapagtagumpayan?

Nagpatianod sa agos ng buhay
Sumabay, kumampay, kumapit, nagpumilit
Dumating ang pagkahapo
Agad sumaisip ang pagsuko

Nang-aakit ang dalampasigan
Nakakatukso ang kapaligiran
May kubong tulugan
May pagkain sa hapag kainan

Mahirap palang  pumalaot
Kapag ang puso’y may hinahanap na sagot
Pag-ibig nga ba ay di nakamtan?
O maaring di lamang napahalagahan?