Pangkaraniwang Tao


1.
Pangkaraniwang tao bilib ako sa iyo
Patas ka ikaw ang aking idolo
Pangkaraniwang tao, sino ba ang tutuo?
Sinong nagkukunwari sa mundong magulo.
Sino ang nasa harap mo? Na kasama mo pag talikod mo.

2.
Wag mong ikahiya ang mabuting gawa
Sunog mong batok sa kapapasada
Sumusugal ka sa init ng kalsada
Kumita ka lang ng barya
Sa pagtahak mo sa madayang lansangan
Isipin mong pamilya mo ay naghihintay.

3.
Nasa itaas ka ng gapok na poste
Nakapaikot sa katawan mo kalawangang kable
Ang sahod mo naman kulang na lang ay libre
Sa bawat pagbatak mo ng mga kawad
Kalyuhan mong kamay ginhawa din ang hangad
Maliwanag ang buong kabayanan
Ngunit ang tahanan mo ay walang ilaw

4.
Maghapon- magdamag ka sa bangka
Ang alam mong ikabubuhay ay pangingisda
Trabahong marangal at masagana
Kinita mong pera di galing sa masama
Taas lang ang noo mo, iba ka sa kanila
Babad ka man at sukpot sa tubig
Alam mong hanapbuhay ay hindi ganid

5.
Tutubuan na ng mutha ang kuko mo
Sa putik ng pinitak na kaakap mo
Araro at paragus ang sandata mo
Itinanim mong pangarap madaling tumubo
Ang ama sa langit ang kasama mo
Ang bunga ng kasipagan bukas aanihin mo

6.
Sa ating pangalawang tahanan
Sila ang mistula nating mga magulang
Tinuturuan, dinidisiplina nila tayo
Nagtitiyaga sa ating ugaling magulo
Hindi ko makakalimutan ang aking mga guro
Salamat sa sakripisyo at ibinigay nyong talino

7.
Kayo ang pangkaraniwang tao
Kayo ang aking tutuong idolo
Sa buhay nating mahirap ay patas kayo
Ginagampanan ninyo nang maayos ang trabaho
Para po sa inyo ang tula kong ito
At sa mga taong hindi gawain ang manloko

No comments:

Post a Comment