Serbisyong Makupad

Sabi sa akin ni ating Uping, yung nakatira doon sa may kaingin,
Ano naman na! itong nangyayari dito sa atin,
Ala ng maisaing, mahal pa ang tubig na pweding inumin.
Kung titingnan, napapaligiran  tayo tubig na napakalalim.
May planta pa ng kuryenteng kawad ay naglambitin.

Todo kayod tayo para lamang makabayad
pero patay-sindi ang ilaw, serbisyo’y makupad,
Kapantay natin ay yung mga nakatira sa siyudad,
samantalang kinikita natin halos di sumasapat.

Si Tang Inting maghapon kung magtrabaho,
kahit makuba tuloy pa rin Sabado man at Linggo
kasama ng mga anak kumakayod nang todo
Pero ang kinikita halos pambayad laang sa kuryenteng nakunsumo.

Aking naiisip ang mga paghihirap,
Ng mga taong nauna sa atin na pinanganak,
Tabong luha ang sa kanilang mata’y dumanak,
Bago lisananin ang lumang Bayang pangarap.

Pangako sa kanila’y buhay na masagana,
Loob ng bahay magliliwanag gabi at umaga.
Sila ay hindi na magpapasan ng timba,
Sapagkat sa kusina tubig ay dadaloy na.

Ngayon ang pangako sa kanila ay di makita,
buhay sa nilipatang bayan ay ibang-iba,
Ang inasam nilang buhay na maligaya
Tila yata isa na lamang malikmata.

Sabi naman ng aking kaibigan,
Ang pangakong yan sa ating mga tatang,
ibaon na lamang sa libingan, wag sisihin ang bagong pamahalaan.
kasalanan daw yan ng mga naunang sa atin ay nanungkulan.

Hindi ko naman ipinapapasana bagong pamahalaan,
ang mga pagkakamali ng ating mga Tatang,
pero gusto kong ibida tungkol sa  mga bayang aking napasyalan,
doon sa may nakatayong planta tulad sa ating bayan.

Tubig at ilaw nila ay di hamak na mababa sa pangkaraniwan,
samantalang dito sa atin, di ko malaman kung ano ang dahilan
kung bakit presyo ng kuryente ay katulad din sa kamaynilaan,
kaya hirap na hirap makabayad ating mga kababayan.

Naihalintulad ko tuloy si ating Uping sa tren na magigiba na,
Katawan niya ay pagal na pagal sa maghapong pagtintinda,
Ngunit kita niya parang ninanakaw, naglalahong parang bula
Sa taas ng singil sa kuryente, pagkain na sana sa kanilang mesa.

Ang tumatagaktak na pawis ng mga tulad ni ating Uping
ay nangangailangan ng ating malasakit at pagpansin,
Subalit tanong sa akin ni kuyang Efren, kakayanin kaya natin
Kung sarili nating pawis hirap na hirap tayong pahirin?

Samantalang  yung mga taong nakatalagang pagod nati’y pawiin,
 sa iba nakalingon, tila walang anumang napapansin,
sabagay nila ito pasanin, dahil hindi naman sila pawisin,
sagana sila sa aircon, tatak  pa nga ay Coolin

Ating Uping at kuyang Efren, tayo na laang ay manalangin,
na tayo ay pakinggan ni San Andres na Patron natin,
at sana ang mga kabataan natin ngayon ay matuto ring tumingin
sa kalagayan ng mga kababayang tulad ni ating Uping.

Kung ang mga nanunungkulan ay di na maasahan
na hanguin tayo sa kinasadlakang kahirapan,
kung sila ay patuloy na magmamaang-maangan
tayo na laang ang magkusa, ibangon ang Pantabangan.

No comments:

Post a Comment