Huling Sulyap sa Manggahan


Mga sangang nababangal,
Mga  ugat na nakalitaw;
Mga dahong mayayabong,
Mga bungang  naglawit;
Pabalik-balik sa pag-akyat,
Inuugoy, niyuyugyog;
Taas-baba sa indayog.

Walang awat sa maghapon
Kami sa buwan ng bakasyon,
Sa Businlak, aming bukid
Laruan namin noong mga paslit.

Doon mayroong bahay
Na yari sa kawayan,
May punong papaya
Sa may bandang kanan.

Sangandaan

Minsan sa ating buhay
May isang pusong darating
Na pupukaw sa damdamin
At ating  mamahalin.

Kaligayaha’y tulad ng batis
Bumabalong ang pag-ibig
Katulad ng isang awit
Sa simula ay parang langit.

Minsan sa ating buhay
Sangandaan ay darating
Aling landas ang pipiliin,
Aling daan ang susundin?

Ang isip ba o ang damdamin?
Nagtatanong paulit-ulit, paulit-ulit:
Ang isip ba o ang damdamin?
Sinisikil ang ligayang hindi nakamit.

Minsan sa ating buhay
May isang pusong aalis
Dala-dala ay isang awit
Ang himig ay sakdal sakit.

Parang kislap sa takipsilim
Liwanag sa isang saglit
Parang bula sa ating palad
Sa isang iglap mawawaglit.

Kulimlim na Mata

Nakamasid sa dingding
sumisisid ang isip sa malayong lupain,
nanunumbat ang kulimlim na alaala
“Nasaan ka? Nasaan?”

Gusto ko rin sana kitang ihatid
sa huli mong hantungan;
mahandugan ka man lamang
ng isang awitin.
Sana'y napakinggan mo
ang aking maling tono,
na alam kong itutuwid mo --
ikaw na tagahubog ng musika.

Sa gitna nitong nagmamaktol na lungkot,
ng pagkayamot sa pagkakabaluktot,
sana'y marinig kong muli
ang iyong tinig, himig ng ating lipi.

Sa Iyong Pagkatao

Sa iyong puso at utak
nakaukit ang pag-ibig
sa sinilangang bayan
na winalan ng kapalaran.

Sa anino mo nakakapit
hindi kinilalang sagisag;
walang diplomang nakasabit
subalit mataimtim, matarik
ang pangarap mong mahagip
ang mga salitang nakaidlip.

Nananalaytay sa iyong mga ugat
ang layon, batis, ilog
na isinakmol ng damduhalang irigasyon;
Hindi kailanman malalagot
ang daloy ng iyong pagsumbat,
Isa kang tapat na manunulat.

Isalaysay, ilathala
mga nakatagong adhika;
sa iyong kamay magmumula,
sa iyong utak babalong ang buhay;
Nakaukit ang iyong mga titik
sa puso ko at utak.

Upuang Ginto

Isang upuang pinagaagawan,
Nababalutan ng ginto ang kanyang sandalan,
Kaya kahi’t sino’y sa kanya’y nasisilaw,
Sa angking kayamanan sila’y nabubuang!

Kahit makasakit at makapatay,
Mahaplos man lamang ang gintong tinataglay,
Kayat madami ang ngayo’y nagsulputan,
Makamandag na ahas,magbabayad na laang.

Ikaw namn “Ingo” tinanggap mo agad,
Mga suhol ng butakal, ay iyong pinagkanulo,
Kaya itong hari na ngayo’y nakaupo,
Isang pitik ka laang, sa kankungan ang tagpo!

Ngayong nakaupo ang buwayang gahaman,
Sa kaban ng bayan binabawi ang puhunan,
Sapagkat nakaupo na sa gintong upuan,
Kahit sino na lamang basta’t may pakinabang!

Masaarap magtrabaho, lalo nat kaalyado,
Ng mga nambubusit dyan sa goberno!
Kahit nasa bahay ay sumisweldo,
Walang silang ginawa kundi ang manloko!.

Bayan! Bayan! Kailang magigising!
Sa ganitong uri ng pamumusaysay natin,
Baket hindi paghirapan, para makarating,
Sa pag upo dito’y inyong pagsikapin!.....

May Punong Kailangan Nang Pulakin

Anta dapat pagtakpan ang maangot na gawa?
Abat  ipagtatanggol, ano naman ang napapala?
Ilulubog sa utang ang bayan; habang hindi matuos
Kung saan nauwi ang badyet, kung saan ginastos.

Anta tama na dahil laang naambunan ka ng tinga
Ipagsisigawan mo nang mabango ang kanyang hininga?
Kahit na kumukuyaw ang mga uod sa kanyang gilagid,
At sa kanyang dila at labi ay may nanang kumakatis?

Nagbabayad tayo ng buwis, maski laang tingi-tingi,
May sarili tayong pamilya; pero lumilibot, nanghihingi,
Nanlilimos, lumalapit sa mga pilantropo, nagso-solicit
Para makapagpaaral ng kababayan; nagmamalasakit.

Habang ang dapat gumagawa nito,   di maipaliwanag,
Milyon-milyong piso ng bayan, sino ang umasamas?
Anta tulingag na tayong  totoo at di natin makikilatis
Na alang resibo, alang katibayan gastos na milyones?

May kanya-kanyang kuro-kuro at opinyon ang bawat isa,
Tama; pero hindi lahat kagalang-galang, may nakakasuka;
Halimbawa: “Bayaan mo na, lahat naman nangongotong.”
Kaya namimihasa! Dapat igalang ang ganitong opinyon?

Nakapag-aral man o hindi, marunong ng kabutihang asal,
Puwera na laang kung tainga’t  ilong may turnilyong sumpal;
Hindi naririnig kalapak ng sariling dilang  talak nang talak,
Hindi nalalanghap bungangang imburnal na humahalimuyak.

Sabi ng iba, binabato ang punong maraming bunga,
Ng mga walang magawang inggitero at inggitera;
Sabi ko naman, may punong kailangan nang pulakin,
Pagkat gapok na at inaanay, ala pang kalilim-lilim.

Hindi na po uulit

pagdungaw at pagngiti ng araw
balikwas agad sa banig na sabutan
kumain ng malatang kanin na may pandan
binahugan ng kape, kasama ang tuyong nangingisay

kumatok sa pinto ng kalarong mutaan at sipunan
na inakit at inuto para ako samahan
na mang-umit ng blanco at alhambra
para baunin sa paglalaba

pagdating sa ilog na pumapalakat ang agos
nag-unahan sa puwesto para mag-redi sa pagkukusot
inilabas ang palu-palo at sabong panlaba,
at syempre pati ang sigarilyong itim na alhambra

sinubong pabaliktad ang naturang sigarilyo
nasa loob ang baga, parang tambutsong umuusok
tumutulo ang laway habang nagbibida
maya-maya’y umikot ang mata, nahilo na pala

tinangay ng anod ang labadang kinukusot
palibhasay nakahandusay na sa tabi ng ilog
ang kalarao, agad na kumuha ng dahong ambabangot
upang ipaamoy sa ilong na puno ng kulangot

pag-uwi, binulaga ng mulagat na mata ni nanay
nalaman nya na ako’y nagpaswi, tumulo ang laway
kapagdaka’y humaginit sa hangin ang pamalong uway
ang malikaskasang kong tulatod, sa pasyok naglatay.
napa-aringking ako at halos humilahod sa sakit
at walang nasabi kundi: “aray nanay, di na po uulit”