Abat ipagtatanggol,
ano naman ang napapala?
Ilulubog sa utang ang bayan; habang hindi matuos
Kung saan nauwi ang badyet, kung saan ginastos.
Anta tama na dahil laang naambunan ka ng tinga
Ipagsisigawan mo nang mabango ang kanyang hininga?
Kahit na kumukuyaw ang mga uod sa kanyang gilagid,
At sa kanyang dila at labi ay may nanang kumakatis?
Nagbabayad tayo ng buwis, maski laang tingi-tingi,
May sarili tayong pamilya; pero lumilibot, nanghihingi,
Nanlilimos, lumalapit sa mga pilantropo, nagso-solicit
Para makapagpaaral ng kababayan; nagmamalasakit.
Habang ang dapat gumagawa nito, di maipaliwanag,
Milyon-milyong piso ng bayan, sino ang umasamas?
Anta tulingag na tayong
totoo at di natin makikilatis
Na alang resibo, alang katibayan gastos na milyones?
May kanya-kanyang kuro-kuro at opinyon ang bawat isa,
Tama; pero hindi lahat kagalang-galang, may nakakasuka;
Halimbawa: “Bayaan mo na, lahat naman nangongotong.”
Kaya namimihasa! Dapat igalang ang ganitong opinyon?
Nakapag-aral man o hindi, marunong ng kabutihang asal,
Puwera na laang kung tainga’t ilong may turnilyong sumpal;
Hindi naririnig kalapak ng sariling dilang talak nang talak,
Hindi nalalanghap bungangang imburnal na humahalimuyak.
Sabi ng iba, binabato ang punong maraming bunga,
Ng mga walang magawang inggitero at inggitera;
Sabi ko naman, may punong kailangan nang pulakin,
Pagkat gapok na at inaanay, ala pang kalilim-lilim.
No comments:
Post a Comment