Ang Talisaing Hilaw


sa isang banda, nung siya’y aking makilala
tumitilaok ang aking mga mata
ngunit pagkaraan ng ilang dekada
puros pailalim ang kanyang mga pusta
lumabas ang tunay na mga kaliskis buwaya.

bilin na bilin ng aking ama
wag papatulan ang gaya nya
talisaing hilaw na hilaw
pagkat sya’y kunyari pang derby
sa tiktikan ay ikukwitis nya.

ang sabi ng iba, akuy isang kahig isang tuka,
ngunit patuloy ang pakikibaka,
may isang cantonese na gigiri-giri,
may balahibong pulang-pula,
inakay nya ako sa kanyang bagwis na parang umbrella
binihisan at unti-unting iminulat ang aking mga mata.

"ako’y napatunganga sa aking nakita
bigla nyang sinabi na ako’yy di talisain" na katulad nya.

kung buhay ang iyong ama
tyak na sa akin sya pupusta,
maging logro dyes pa,
kaya wag mo ng luruk lurukin
ang nalalabi mung barya.
o sige largang larga." 

PANAGHOY NG BAYAN

Dumarating na 
Daloy ng pagbabago
Tubig na libingan ng mga alaala
At ng yaman kong kalikasan

Paalam sintang bayan, 
kung batid mo lamang
Taghoy mo’y punyal 
na nakatarak sa aking puso

Masakit mang pagmasdan 
Sisinghap-singhap mong kalagayan
Kailangang tiisin at tanggapin
Alang-alang sa hakang kaunlaran

"O bukid kung yaman
Bakit ako iniwan 
Dito sa kawalan"

O bukid kong kanlungan 
at banga ng mga alaala
Kaluluwa mo’y ialay sa tubig
Upang sa bawat inom ko nito’y 
Dumaloy sa ugat at dugo 
ng aking pangungulila

Paalam sintang bayan,
paningin ko’y hahalik 
sa bawat umagang ika’y matunghayan

SULAT PARA KAY INA


(PARA SA KARAWAN NG MGA MAGULANG)
Ina
halos 16 na taon na din ng huli kitang makita
tanda ko noon nang paluin mo ako
dahil nagnakaw ako ng balubad ni Patay na ilog,
sabi mo kahit mahirap laang tayo
ay hindi mo kami pinalaking magnanakaw
kasama mo akong nagpapatani sa kaingin ni kuyang Frod
kasamang nagsisimba tuwing Linggo

namimis ko na rin yung lagi mong iniluluto
na binagungang talbos ng ampalaya na may kamatis,
kahit alang tinapa masarap din;
kasama kitang nahiram ng bigas kapag alang maisaing

alam mo ina kung ang tawag nila sa akin noon ay pasusot na bata
Sir, na ang tawag nila sa akin ngayon!
kung noon nakikihiram laang ako ng bisikleta,
meron na din akong serbis na ginagamit ngayon --  maganda siya ina,
sabi ko sana, andito ka para maisakay kita, ililibot kita kahit saan
pero alam ko hindi ka sasakay, kasi uuk-ukin ka laang

sana ina nakikita mo kapag akoy kanilang pinapalakpakan
sana naririnig mo kapag sinasabi nilang magaling  ang iyong sinabi
sana nakikita mo kapag kumakain
at tinatanong nila ako kung ano ang gusto ko

Ina, kahit masarap na ang kinakain ko ngayon,
hinding hindi ko ipagpapalit ang luto mo kahit patani laang
kasi alam ko luto mo yon, kahit kung minsan alang bitsin
kasi nga alaman tayong pambili

Maganda na rin ang tinutulugan ko ngayon,
Malamig at aircon pero, Ina, hinding- hindi ko ipagpapalit
yung higaan ko noon, yung katabi kita,
tapos kapag mainit papaypayan mo ako
alam ko napupuyat ka, pero ginagawa mo yun makatulog laang ako

alam mo ina kung mayroon man akong hinihiling sa diyos,
sa mga oras na ito, sasabihin ko sa kanya
bigyan naman niya ako ng kahit isang minuto na maakap ka
para masabi ko sayo na salamat ina sa lahat ng ginawa mo sa akin

ina gusto ko palang sabihin sayo
alam ko at nakikita ko
mahal na mahal ka pa rin ni tatang hangang ngayon.

MALIGAYANG KAARAWAN NG MGA INA

ang bunso mong anak,

SWE

ALANG BULAANAN


Diman ako abogado, lalong diman ako husgado
Pero makalito na ang nangyayari sa bayan ko at sa bayan mo.
Ang vice mayor ng bayan na sinilangan ko,
Pinagbibintangan na nagrape ng isang babaeng menor de edad umano,
Pero itong si Romeo todo tanggi at ito daw ay hindi totoo.
Pano daw niya rereypin ang babae, kung siya ay lehitimong nobyo,
Kaya nabuntis ang babae, at walang nangyaring pilitan dito

Maraming gustong tumulong, sa nasabing kulat na babae,
Ang iba naman ay sinasakyan ang isyu, kasi nga balak nilang kumandidato,
Magagamit nga naman ito sa pagkuha ng boto.

Vice mayor kong kaibigan,
Ako ay diman nagbubulaan, alam mong kilala mula sa Conversion hangang Cadaclan,
Na ang tatay mo’y madaming naanakan,
Alam kong ikaw ay nasasaktan kapag ang tatay moy kanilang niyuyurakan
Sapagkat ika’y anak na tunay ng sa kanya’y nagmahal.

Nasabi mo minsan, ang kasalanan ng mga nauna ay hindi mo tutularan,
Gusto mo’y pagbabago para sa ikauunlad ng ating bayan ,
Lalot higit alam mo kung papano masaktan,
kung ang ama mo ay niyuyurakan.

Sa ngayon madami ang nalilito, alin nga ba ang totoo,
Sabi mo ito ay pakana lamang ng mga kalaban mo
Upang makahakot sila ng madaming boto
Totoo man ito o hindi, ako ay napamuni-muni
Nang marinig at makita ng asawa at mga anak mong itinatangi,
Na bukod sa kanilang ina na sa bahay ninyo ay namamalagi,
Meron pa palang iba, na sa puso mo itinatangi.

Alam kong alam mo kung ano ang nararamdaman
Ng isang anak na ang ama ay niyuyurakan,
Sapagkat tunay mo itong naramdaman at naranasan
Wag na tayong magbulaanan , hindi mo pweding sabihing sanay na sila dyan
Sapagkat nakasalalay dito ang kanilang dangal at kinabukasan

Para sa kanila hindi naman mahalaga, kung totoo o hindi
ang ibinibintang sa iyo, ang mahalaga ay maramdaman nila
lalo na ang iyong asawa na siya lamang ang nasa puso mo twina,
ngunit papano nga mangyayari yun , sa media ay inamin mo pa
na ang babaeng sa iyo’y nag-aakusa
inamin mong kayo’y magsyota talaga

ano kaya ang naramdaman ng bunso mo kaibigan,
alaman tayong bulaanan kung ano ang iyong nararamdaman,
kapag ang tatay mo ay pinagtatawanan,
yun din ngayon ang kanilang nararanasan
at kahit kailan hindi sila masasanay dyan.

Kaibigan ko ,
Wala akong hangad na masama sayo,
Ang inaalala ko lamang ay ang mga anak at asawa mo,
Kung ikaw ay kayang tagalan ang mga ito ,
Kasing tibay din kaya ng dibdib mo ang mga dibdib ng mga mahal mo?

Meron pang pag-asa, malaki pa ang iyong magagawa,
Upang maayos ang iyong pamilya,
Alalahanin mo lamang, na walang unang rerespeto sa iyo nang totoo,
Kung hindi ang asawa at mga anak mo,
Madami diyan sa iyong paligid  akala mo kaibigan mong totoo,
Pero nandiyan laang sila habang may pakinabang sa iyo.

Hindi ako banal o santo,
Upang ituro at sabihin sayo ang dapat mong gawin,
At  ikaw mismo alam mo kung ano ang totoo,
Dalangin ko laang na makayanan pa ng iyong pamilya,
Mga anak,asawa at ikaw mismo,
Ang mga pagsubok na dinaranas mo.

Isang maaliwalas na bukas. 

LAMPARA


1.
malulam na sinag
umaandap-andap
garapang basag
said na ang gaas
musingang dingding
na sawaling tadtad
umitim sa usok
sa isang magdamag

2.
dapit hapon na
bahagyang madilim
lamparang luma
sa pasimano nakabitin
pagsapit ng gabi
ilong ay mauling
sa kaunting dingas
ay may liwanag din

3.
mga gamugamo
umaaligid na sa iyo
inakit mo sila
ng kinang mong malabo
unahang makalapit
saka sila lalayo
mahina mong ilaw
minsan ay nakakapaso

4.
sa aking pag-sulat
ako'y nakadukdok
sa linya ng papel
mga letra'y nakaungos
natapos kong tula
ay gusut-gusot
puro pa bura
at lukot-lukot

5.
sasapit na ang umaga
pahina na din ang lampara
tilaok ng manok
ang kanyang kasabay
sa bukang-liwayway
lampara ay mamamatay
iniwang bakas sa kisami
parang anino lang ng dwende

6.
maghapong pahinga
ang aking lampara
napudpod niyang mitsa
kulang isang dipa
pakpak ng insekto
sa sahig naglipana
marami ding napinsala
kahit gapurit ang baga

7.
sa bote ng bilog ginawa
at puruntong na rutrut
ginto ng sigarilyo at lata
buo mo na ang lampara
ilaw nga naman ng tahanan
kung tawagin ng ilan
katulad din ng isang ina
magdamag kang babantayan

8.
gaya ng maraming tao
buhay ay panandalian
kung maliwanag ka ngayon
samantalahin mo lang
darating din ang panahon
mawawalan ka ng saysay
iniwan mong alaala
kung pangit ay abo lang

Ikaw ang aking alaala

1.  
Kung ako ay mawawala
Lumikha ka ng isang tula
Para sa aking nakaraan
Ikuwento mo ang aking talambuhay
Malungkot man o napakasaya
Ang katutuhanan ang iyong ipakita
Wag mo sanang kulangan at dagdagan
Mga nangyaring ikaw ang may alam

2.
At sa aking paglisan
Isulat mo ang isang kanta
Awiting may kabuluhan
Patungkol sa aking kasaysayan
May himig na malamyos
At malambing na salita
Magiisip ang tagapakinig
Mamamangha sa ating musika

3.
Kung hindi mo na maalala
Ang itsura ng aking mukha
Iguhit mo ang larawan ko
Sa papel na napakaluma
Hulaan mo ang aking anyo
Ng ako ay nabubuhay pa
Kulayan mo lang ng lapis
At tutulungan kita sa dati kong wangis

4.
Ikaw ang aking ala-ala
Dito sa maiiwan kong lupa
At sa ating muling pagkikita
Titingnan ko ang iyong mga obra
Ang larawan ko, awit at tula
Hahanapin ko kong iyong ginawa
Kung sa langit man iyon
Sabay nating babalikan ang kahapon

5.
Umaapaw ang aking kaligayahan
Sa mga alaalang aking iniwan
Sa maraming panahong paglalakbay
Sa lupang ating hiniram lang
Sa mga bagay na aking naranasan
Na ginampanan bilang nilalang
Sa mundong aking tinambayan
Ngunit ito ay panandalian lang

6.
Sa mga isla at lugar ng pinuntahan
May mga bakas akong naiwanan
Wag mo ng subukang sundan
Kung di ka maligaw baka di mo malimpasan
Sa mga taong aking nakaulayaw
Kanilang natatandaan iba-iba kong palayaw
Ipagtanong mo ang tunay kong pangalan
At iilan lang ang nakakaalam

7.
Sa araw na iyon nandito ka sana
Sa aking tabi nagpapatawa
Pawiin mo ang aking lungkot
At punasan mo ang aking luha
Hawakan mo ang aking mga kamay
Huling payo ibubulong ko sa iyo
Mahalagang tagubilin sana marinig mo
Wag sanang kalimutan mula sa tatay mo.

Serbisyong Makupad

Sabi sa akin ni ating Uping, yung nakatira doon sa may kaingin,
Ano naman na! itong nangyayari dito sa atin,
Ala ng maisaing, mahal pa ang tubig na pweding inumin.
Kung titingnan, napapaligiran  tayo tubig na napakalalim.
May planta pa ng kuryenteng kawad ay naglambitin.

Todo kayod tayo para lamang makabayad
pero patay-sindi ang ilaw, serbisyo’y makupad,
Kapantay natin ay yung mga nakatira sa siyudad,
samantalang kinikita natin halos di sumasapat.

Si Tang Inting maghapon kung magtrabaho,
kahit makuba tuloy pa rin Sabado man at Linggo
kasama ng mga anak kumakayod nang todo
Pero ang kinikita halos pambayad laang sa kuryenteng nakunsumo.

Aking naiisip ang mga paghihirap,
Ng mga taong nauna sa atin na pinanganak,
Tabong luha ang sa kanilang mata’y dumanak,
Bago lisananin ang lumang Bayang pangarap.

Pangako sa kanila’y buhay na masagana,
Loob ng bahay magliliwanag gabi at umaga.
Sila ay hindi na magpapasan ng timba,
Sapagkat sa kusina tubig ay dadaloy na.

Ngayon ang pangako sa kanila ay di makita,
buhay sa nilipatang bayan ay ibang-iba,
Ang inasam nilang buhay na maligaya
Tila yata isa na lamang malikmata.

Sabi naman ng aking kaibigan,
Ang pangakong yan sa ating mga tatang,
ibaon na lamang sa libingan, wag sisihin ang bagong pamahalaan.
kasalanan daw yan ng mga naunang sa atin ay nanungkulan.

Hindi ko naman ipinapapasana bagong pamahalaan,
ang mga pagkakamali ng ating mga Tatang,
pero gusto kong ibida tungkol sa  mga bayang aking napasyalan,
doon sa may nakatayong planta tulad sa ating bayan.

Tubig at ilaw nila ay di hamak na mababa sa pangkaraniwan,
samantalang dito sa atin, di ko malaman kung ano ang dahilan
kung bakit presyo ng kuryente ay katulad din sa kamaynilaan,
kaya hirap na hirap makabayad ating mga kababayan.

Naihalintulad ko tuloy si ating Uping sa tren na magigiba na,
Katawan niya ay pagal na pagal sa maghapong pagtintinda,
Ngunit kita niya parang ninanakaw, naglalahong parang bula
Sa taas ng singil sa kuryente, pagkain na sana sa kanilang mesa.

Ang tumatagaktak na pawis ng mga tulad ni ating Uping
ay nangangailangan ng ating malasakit at pagpansin,
Subalit tanong sa akin ni kuyang Efren, kakayanin kaya natin
Kung sarili nating pawis hirap na hirap tayong pahirin?

Samantalang  yung mga taong nakatalagang pagod nati’y pawiin,
 sa iba nakalingon, tila walang anumang napapansin,
sabagay nila ito pasanin, dahil hindi naman sila pawisin,
sagana sila sa aircon, tatak  pa nga ay Coolin

Ating Uping at kuyang Efren, tayo na laang ay manalangin,
na tayo ay pakinggan ni San Andres na Patron natin,
at sana ang mga kabataan natin ngayon ay matuto ring tumingin
sa kalagayan ng mga kababayang tulad ni ating Uping.

Kung ang mga nanunungkulan ay di na maasahan
na hanguin tayo sa kinasadlakang kahirapan,
kung sila ay patuloy na magmamaang-maangan
tayo na laang ang magkusa, ibangon ang Pantabangan.