Ngayon nga

Ngayon nga’y laging kasama na
At nasabik sa isat-isa
At ituloy ang umpisa
Kahit na pagkatagal na
Ang nakalipas ay wala na
Itong ngayon at ang bukas
Pupunuin ng sigla at saya.

Sa iyong piling o kaibigan
Pamamasyal,pagsasaya
Binabawi ang sandali
Pagkainip ay di wari
Mga taong malalapit
Sa ating bayang tinatangi
At mga taong gustong makita
Sa panaginip na lamang pala.

Larawan


Pabalik-balik...
Hinahatid, naglalakad sa batuhang daan,
Kung di lamang ubod nang tigas
Siguro’y nadurog na sa paulit-ulit  na pagyapak.

Paulit-ulit...
Araw-araw maghapong naghihintay,
At pagdating ng uwian
Sigurado kasama ka,
Binabalikan ang masasayang sandali
Pero usapa’y tila kay-igsi,
Nasisiyahan na sa isang sulyap
Sa may bintana
Habang ikaw’y papauwi.

Ilang taon na rin pala ...
Dito  sa luma mong larawan
Mukhang bata ka pang tingnan,
Walang pagod, walang hirap na nadarama
O pagsubok na inaalintana.

Tandang-tanda ko pa
Noong araw na tayo’y nagtagpo
Sa landas ng pagkakataon,
Doon sa lugar na sagrado
Nakilala natin ang bawat isa,
At nabuo nga ang samahang
Pinatibay ng panahon.

Saksi ang mga ibong malayang lumilipad,
Ang mga bulaklak na makulay
Kaaya-aya sa pamumukadkad.

Kaytagal nga palang maghintay
Kung di alam kung kailan darating
Kayhirap palang isipin ng mga bagay
Na sa iyong palagay ay di mangyayari.

Ngayon, wala na akong alinlangan,
Tinitingnan ko ang bago mong larawan,
May balbas ka na, at ang buhok mong
Dati’y kaykapal unti-unti nang numinipis;
Taglay mo na ang hinog na isip
At buo ang loob sa pagsisikhay
Tungo sa matagumpay nating buhay.

Ang Lapis at Papel

Lapis at papel
Ang aking libangan
Pamawi ng lungkot
Dito sa  dayuhang bayan,
Sa lapis at papel
Naiibsan sumandali
Ang pangungulila
Sa naiwang pamilya
Na pagkalayo-layo.

Sa umaga paggising
Lapis agad ang yakap ng mga daliri,
Ibubuhos sa papel  ang laman ng dibdib:
Mangungumusta, makikibalita,
Magtatanong kung may araw o may ulan;
Ibabalita ang lamig ng niyebe.

At lagi kong binabanggit
Na ayos naman ang buhay,
Kumakain ako nang sapat
At ang tulog ay kaysarap;
May silid  at liguan,
May TV at telepono
Bukod pa ang computer
DVD  at saka radio.

Kapag Linggo’y nasa pasyalan,
Sa kapatid o  kaibigan;
Nililibot ang magagandang lugar,
Naglalakad, sumasakay
Sa bus, sa ferry o sa tren;
At maraming nakikitang
Mga  taong  masasaya.

Kaya kahit malayo
at paglalayo ay kaypait,
Dahil sa lapis at papel
Pagmamahal ay malapit;
Sa piling ng tinatangi
May pag-asang makakamit.

sinu-sino.

(awit para sa siera madre)

1.wag mong sunugin ang gubat,
wag mong lasunin ang dagat.
wag mong babuyin ang hangin,
wag mong sirain ang bukas.
hindi lang ikaw ang humihinga,
at marunong mangarap.

kaibigan, may panahon pa.
kalimutan ang masamang balak.

2.wag mong putulin ang puno,
wag mong gibain ang bundok.
wag mong putikin ang tubig,
wag mong paitimin ang langit.
hindi lang ikaw ang humihinga,
at gustong mabuhay pa.

kaibigan, may panahon pa.
pag-isipan ang binabalak.

refrain....

ang natitirang panahon at oras,
ay para sa ating lahat.
lahat ng bagay sa mundo,
ay igalang mo at isispeto,
tayong lahat ay may hangganan,
bukas sa mundo tayo ay lilisan.
paano naman silang maiiwan?
ang natitirang panahon at oras,
ay para sa ating lahat....

kaya, kaibigan may panahon pa.
pagisipan, ang binabalak.
kaibigan, may panahon pa.
kalimutan ang masamang balak....

di ko na mahahaplos ang kulay abo mong buhok

(sa alaala ni Tambering)

nakapamintana ako ngayon,
ginagalugad ng aking mga mata
ang mga puno,  mga dahon, mga lumot,
ang kalawang sa rehas ng bintana;

sa di kalayuan, tumataghoy ang saluysoy,
tulad ng pagtangis ko sa iyong pagkawala.

anong tining ng iyong tinig!
anong talas ng iyong pandinig!

ay! nakaukyabit sa aking hininga
ang kulay abo mong mga buhok,
ang iyong ngiti, ang iyong mga biro.

pag nagsasalubong tayo, tiyak na tayo'y hihinto
hindi kikilos, ugatin man ang mga paa, 
hanggang di naibubuhos ang mga kuwento
at pahulaang sadyang ihinanda natin sa isa't isa.

aabutin mo ang aking mga kamay,
hahaplusin ang aking mga palad,
isa-isang palalagutukin ang mga daliri;
sa loob-loob ko, inuutusan ko ang araw
na huwag munang lumubog,
gusto pa kitang makasama.

sa bawat paghihiwalay, nililingon kita
hanggang hindi ka na matanaw,
hanggang isakmol ka na ng balumbon ng mga talahib,
at sabi ko sarili: malupit ang kahirapan.
bakit wala akong pera para pakyawin
ang tinda mong mga tiket?
bakit wala akong pera para ipagtayo
ng paaralan para sa iyong musika?

nakapamintana ako ngayon
nilalanghap sa simoy ng gubat ng makiling
ang iyong gunita, dakilang kaibigan,
dakilang musikero, dakilang anak ng pantabangan. 

Nakatagong Baho!

Pilit mo mang pigilan at ibaluktot,
Sisirit pa din ang mabaho mong utot!
Magtuturo ka laang pag ito’y sumulpot,
At saka pagbibintangan katabi mong supot!

Bakas sa’yong mukha na nakasimangot,
May mabahong lihim na ayaw i-utot!
Baka kasi mahuli na may mabantot!
Nakatagong lihim kailangan ibaluktot.

Magiingat ka lamang baka sa hulihan,
Sa katago-tago mo’y iyong malimutan,
Mabahong utot kapag pinigilan,
Taburos palagi ang kauuwian

Wag ka ng manisi o mangi-tuga!
Batid ng lahat ang Gawain masama,
Kinububli mong baho, dito sa madla,
Ay aamoy din pilit at maiilathala.

Ang tatay ko’y Mangingisda

Daras at puthaw ang lumabra sa bangkang
Gapok ni Tatay upang ang tilas ay mawala.
Napapagod siya sa paglimas-gaod sa lawa
Higit pag maalon at nang-aaldabis ang habagat ng Aya.
Pisak na sya habang binabagtas ang maalon na ilog,
Makahuli lamang ng Isdang maiihain sa hapunan,
Panay ang sakyod nya sa sagwan, na tila halos hindi makausad gawa ng alon,
Tumutulo ang pawis, Basang basa na ang madusing na damit,
Ilang saglit lamang, Iuumang na nya ang mga nahabing lambat, bukatot, at patukba.
Sa di kalayuan gagawa sya ng munting silong para managhalian.
Habang naghihintay kinuha nya ang munting patpat kinabitan ng pisi at kawil
Upang hindi masayang ang oras habang hinihintay ang pag pandaw ng mga umang.
Dumating ang oras ng pamamandaw, lumalakas ang hangin tila nagbabadya ang ulan,
Nagmamdali itong sumakay para likumin ang mga lambat na inumang,
Kahit pagod na, Masaya ito sa pag ayuda dahil sa huli ng lambat ng pag-asa.
Nilagay sa pabyayan ang mga biyaya ng kalikasan.
Sa pagdaong ay hinahayuma ang warat na mata ng lambat
Na sinira ng yangkaw na sa agos ay yumakap.
Tinututos ng sikwan ang lawayan sa tinggang humahawak
Sa pamaa at pinipitisan ang pataw na antaw ang pag-ayap.
At sa muling pagkiling ng nahapong dapithapon,
Pasan ng kurkubadong likod ang lambat at labit ang sagwang isusudlong
Upang ibunsod ang bangka at ikalat ang lambat sa gumugulong
Na along pinababangon ng amihang simoy.