nakapamintana ako ngayon,
ginagalugad ng aking mga mata
ang mga puno, mga dahon, mga lumot,
ang kalawang sa rehas ng bintana;
sa di kalayuan, tumataghoy ang saluysoy,
tulad ng pagtangis ko sa iyong pagkawala.
anong tining ng iyong tinig!
anong talas ng iyong pandinig!
ay! nakaukyabit sa aking hininga
ang kulay abo mong mga buhok,
ang iyong ngiti, ang iyong mga biro.
pag nagsasalubong tayo, tiyak na tayo'y hihinto
hindi kikilos, ugatin man ang mga paa,
hanggang di naibubuhos ang mga kuwento
at pahulaang sadyang ihinanda natin sa isa't isa.
aabutin mo ang aking mga kamay,
hahaplusin ang aking mga palad,
isa-isang palalagutukin ang mga daliri;
sa loob-loob ko, inuutusan ko ang araw
na huwag munang lumubog,
gusto pa kitang makasama.
sa bawat paghihiwalay, nililingon kita
hanggang hindi ka na matanaw,
hanggang isakmol ka na ng balumbon ng mga talahib,
at sabi ko sarili: malupit ang kahirapan.
bakit wala akong pera para pakyawin
ang tinda mong mga tiket?
bakit wala akong pera para ipagtayo
ng paaralan para sa iyong musika?
nakapamintana ako ngayon
nilalanghap sa simoy ng gubat ng makiling
ang iyong gunita, dakilang kaibigan,
dakilang musikero, dakilang anak ng pantabangan.
No comments:
Post a Comment