Larawan


Pabalik-balik...
Hinahatid, naglalakad sa batuhang daan,
Kung di lamang ubod nang tigas
Siguro’y nadurog na sa paulit-ulit  na pagyapak.

Paulit-ulit...
Araw-araw maghapong naghihintay,
At pagdating ng uwian
Sigurado kasama ka,
Binabalikan ang masasayang sandali
Pero usapa’y tila kay-igsi,
Nasisiyahan na sa isang sulyap
Sa may bintana
Habang ikaw’y papauwi.

Ilang taon na rin pala ...
Dito  sa luma mong larawan
Mukhang bata ka pang tingnan,
Walang pagod, walang hirap na nadarama
O pagsubok na inaalintana.

Tandang-tanda ko pa
Noong araw na tayo’y nagtagpo
Sa landas ng pagkakataon,
Doon sa lugar na sagrado
Nakilala natin ang bawat isa,
At nabuo nga ang samahang
Pinatibay ng panahon.

Saksi ang mga ibong malayang lumilipad,
Ang mga bulaklak na makulay
Kaaya-aya sa pamumukadkad.

Kaytagal nga palang maghintay
Kung di alam kung kailan darating
Kayhirap palang isipin ng mga bagay
Na sa iyong palagay ay di mangyayari.

Ngayon, wala na akong alinlangan,
Tinitingnan ko ang bago mong larawan,
May balbas ka na, at ang buhok mong
Dati’y kaykapal unti-unti nang numinipis;
Taglay mo na ang hinog na isip
At buo ang loob sa pagsisikhay
Tungo sa matagumpay nating buhay.

No comments:

Post a Comment