Ang hiling ko sana’y narito ka;
Kayhirap ihambing o ilarawan
Ang walang kahulilip na kagandahan
Ang kalikasan sa dalampasigan
Na aking napagmasdan.
Mayroon pa palang ganitong batis
Ang tubig ay lumalagaslas
At ubod nang lakas,
Humahampas sa nagpapang-abot
Na maliliit at malalaking bato,
Upang ang agos ay maipon
Sa isang alauli na animo hari --
Malakas at makapangyarihan
Inaangkin ang bawa’t tubig na nahigop
Subalit walang patumanggang
Bumabalik sa pinanggalingang karagatan.
Sa buhanging aking tinapakan
Mga paa ko’y ibinaon sa kailaliman
Upang damhin ang garas ng mga butil
Mukhang pino kung pagmamasdan.
Ulit-ulit na ikinakaskas ang mga paa
Upang matanggal ang libag
na balato ng matagal na pagkakabalot
Sa
medyas at sapatos.
Sa palad ko ang buhangin
Kapag aking dinadakot
Bumibitiw, at sa tubig
Parang bulang naglalaho;
Bawa’t butil pumipiglas
Kumakawala’t,napapalis
Kahit na pigiling pilit, umaalpas
Tila isang lumayang ibong pipit.
Kapag kami’y tumingala
Tanaw ang duyang umuuga,
Masasayang mga tao
Nakatingin sa ibaba
Pinagmamasdan ang isang talon
Sa talampas na kahanga-hanga,
Malalim at ubod-linis,
Nag-aanyaya ng pagsisid.
Mga puno sa paligid
Tila sumusukdol na sa langit
Pataasan, patayugan
Nang liwanag ng araw ay masilip;
Naglipana ang mga ibon,
Palipat-lipat, pabalik-balik
Pumapaswit, umaawit
Sa mga kahoy at siit.
Mga sangang sa tubig ay humahalik
Sumasalubong at natatangay
Ng mga trosong naaanod,
At mga batong nilulumot
Sa sapyok ng tubig lumilikha ng tunog,
Isang musikang gumitaw sa pandinig
Kaya sumandaling mga mata’y ipinikit,
Hanggang batakin ng pag-idlip.
Sa muling pagmulat, ako’y nagnilay
At pagbabalik tanaw sa mga biyaya
At gawa ng Maykapal.
Sa maghapong pananatili
Sa lugar na itinangi,
Hindi ko mapigilan
Ang magmuni-muni,
Umukilkil sa isip
Ang mga dating gawi
Nakaukit sa damdamin
Kayhirap ng abutin.
No comments:
Post a Comment