Kailan pa kaya matututo?


Lukbutan ni minggan
na sana ay umaawas sa kayamanan,
ngunit ngayon ay pispis ang laman,
dahil sa mga ganid sa kapangyarahin at kayamanan,
kaylan pa kaya tayo matututo aking mga kaantaan?

tsk tsk tsk timsik

may mga kumislot sa mga impit
nagbunyi ang mga anghel na may bitbit
nakakatulig ang mga sumpit

merong lumantad
binalabog ang pugad
kabayang bulag, demonyong sagad
pinagpalit ang barya at karampot na ayuda
sa pinggang may bahid sala
ng diyos diyosan nila

saksak sa likod,mahapdi, nararamdaman pa
oh kay dami nila
pati bayang mahal nagdusa

kaylan kaya mawawala
ang ang mga hunyango na nakadikit sa pawid na dingding
mga daliring makasalanan sa pagtulsak ng mga mata ng anghel
at hangga ngayon basa ng dugo ng pagkasalarin
nagbubunyi sa pagkalumpen

pumatitis na lang muna sa pangil ng mga inutil
at tiisin ang impit laban sa mga gatil
meron pang bukas na maaliwalas
pag handa nang ipain
ang mga leeg sa mga pangil ng mga hudas

Pangkaraniwang Tao


1.
Pangkaraniwang tao bilib ako sa iyo
Patas ka ikaw ang aking idolo
Pangkaraniwang tao, sino ba ang tutuo?
Sinong nagkukunwari sa mundong magulo.
Sino ang nasa harap mo? Na kasama mo pag talikod mo.

2.
Wag mong ikahiya ang mabuting gawa
Sunog mong batok sa kapapasada
Sumusugal ka sa init ng kalsada
Kumita ka lang ng barya
Sa pagtahak mo sa madayang lansangan
Isipin mong pamilya mo ay naghihintay.

3.
Nasa itaas ka ng gapok na poste
Nakapaikot sa katawan mo kalawangang kable
Ang sahod mo naman kulang na lang ay libre
Sa bawat pagbatak mo ng mga kawad
Kalyuhan mong kamay ginhawa din ang hangad
Maliwanag ang buong kabayanan
Ngunit ang tahanan mo ay walang ilaw

4.
Maghapon- magdamag ka sa bangka
Ang alam mong ikabubuhay ay pangingisda
Trabahong marangal at masagana
Kinita mong pera di galing sa masama
Taas lang ang noo mo, iba ka sa kanila
Babad ka man at sukpot sa tubig
Alam mong hanapbuhay ay hindi ganid

5.
Tutubuan na ng mutha ang kuko mo
Sa putik ng pinitak na kaakap mo
Araro at paragus ang sandata mo
Itinanim mong pangarap madaling tumubo
Ang ama sa langit ang kasama mo
Ang bunga ng kasipagan bukas aanihin mo

6.
Sa ating pangalawang tahanan
Sila ang mistula nating mga magulang
Tinuturuan, dinidisiplina nila tayo
Nagtitiyaga sa ating ugaling magulo
Hindi ko makakalimutan ang aking mga guro
Salamat sa sakripisyo at ibinigay nyong talino

7.
Kayo ang pangkaraniwang tao
Kayo ang aking tutuong idolo
Sa buhay nating mahirap ay patas kayo
Ginagampanan ninyo nang maayos ang trabaho
Para po sa inyo ang tula kong ito
At sa mga taong hindi gawain ang manloko

Umaasa


Anta’t nagsakliwat itong mga GANID!
Saksakan ng takaw at napakabagsik,
Busaksak na ang bulsa’y tuloy pa rin ang siksik,
Kaya ating baya’y gumagapang sa tiis!

Punebre na ang tunog ng hanging amihan,
Na tila nakikiramay sa aba kong bayan,
Kinitil niyang kagandaha’y dapat n’yong pagbayaran,
Dapat siguro sa inyo’y itali sa langgaman!

Ayaw nang iluha pagdurusa ng bayan,
Nangangalit ugatang bisig, at kinuyum yaring palad,
Sa pagpislig nito’y, ating malalasap,
Kapayapaan ng tulirong isip, sa Pantabangan ay lalaganap. 

Pantabangan kong mahal (Pagbabalik)


Dinayukdok ka na, dinarahas pa!
Nilinlang, sinalabusab at ninakawan pa!
Pantabangan, sinaklot kana ng dilim,
Kailan matatapos ang iyong paglubog.



Sa loob ng aking inaagiw na isipan,
Biglang lumipad, Parang siklat ng alipato,
Muling nag-aapoy sa puso’t kaluluwa ko,
Naghahabulan at pinaglalabanan ang tama at mali.

Natuyuan man ako ng tinta,
Dugo ko naman ay dumadaloy sa aking pluma,
Sa pagbabalik kong ito’y inyong madarama,
Pagmamahal ko sa baya’y laging nasa hinuha.

Pagbabago sa Bagong taon?


Alimbuwasang na naman ang mga amat,
Sa pagsabog ng mga kwitis sa langit,
Kasabay ng paglimot sa mga problemang maiiwan ng taon,
Maiiwan na lamang sa tadyang ng aking panaginip.

Sa pagputok ng kanyon, pla-pla at bawang,
Namnamin ang pagpasok ng taon na puno ng pag-asa,
At handa na ulit mangarap, higit kaysa dati,
Bawat minuto, oras,  bigyang laya ang matanda nang isip.



Kasabay ng ingay ng hilahilang mga lata,
Aalingawngaw ang ingay na tutulig at magpapalayas sa mga amat ,
Bibingihin nang tuluyan ang mga nagbibingi-bingihang hari,
At mabibigyang linaw mga pusong nanggagalaiti.



At pagkatapos ng mga alingawngaw ng mga paputok,
Kasama sanang lumipad sa usok ang may  mga anghit at putok,
Para bumango mga tula kong saksakan ng antot,
At nang mga umaalingasaw ay bumango nang lubos.

--------- 

papasok na ang taon,natatakot akong dumating ang araw
na ang mga ibinubulong at sinasambit ng mga titik 
ay  tuluyan ng malimutan at hindi mapansin.

Kabaktol Kayong Bulaan


Hindi na makwenta ng malabong mata,
Mga numerong lumabas, ay abat ganon na!
Hindi na malurok ng isip na bungog talaga,
Kaya tumaya na laang sa loterya, baka makuha ko pa.

Mga kabaktol na sumisipsip sa yaman ng bayan,
Busog nang totoo ay ayaw pa ring tigilan,
Kulang na laang pumutok ang tyan!
Bunsol nang totoo, gusto pang balikan.

Pagmasdan mahal na mga hari, Parang awa na NINYO!
Ang ginagawa ninyo’y palkat nang totoo,
Iilang tao laang ang nakinabang dito,
Kelan naman kaya mga ka-anta bibigyan ng balato.



Imbis na magalit sa mga padaplis,
Bigyang linaw na laang ang mga nalabit,
Nang maliwanagan puso kong galit!
Sa mga nagyayari sa bayan kong hapis.

Gumising ka na!


Ng malasahan mo, ang anggi ng kayamanan,
Ay pinagpalit mo, prinsipyo mo’t karangalan,
Kaya ngayo ikaw’y walang pakialam,
Sa bayan mong api at tinatapakan.

Ang puso moy pinatulog at pinahimbing,
Parang walang malay, patay malisyang ipininid
Sinaksakan ka na siguro ng sobrang pampamanhid,
Nang di maramdaman mga pusong nagtitiis.

Patuloy kang hinehele ng mga ilusyon,
Nakatikim kana kasi sa iyong panginoon,
Nagtaksil sa ‘yong konsensya, para lang sa iisa,
Paano naman ang bayan mong nagluluksa?

 ---------

Para po sa lahat:

Kung bubuksan mo ang iyong bibig, pandinig.Idilat ang mata sa karimlan,Palambutin ang pusong pinatigas 
ng kakarampot na kaalwan ng kaligayahan,Makikita mo ang ating bayan,Bayan ng  PANTABANGAN.

Pag gising sa Umaga


Pag gising sa umaga sa computer agad ang punta
upang i-check kung may message mga kabayan at barkada
kaysarap gunitain at sariwain ang mga alaala
mga pangyayaring  naganap sa ating bayan dati pa

inyo bang namalas lagi akong napapadalas
magpunta sa fb na walastik at maangas
kulang ang araw pag di kayo makita o nasisiyasat
palibhasa ang nilalaman ng loob dito lang naibubulalas

kay sarap makita mga larawang luma at kupas
lalo na noong tayo ay mga paslit at gusgusin
kaygaganda at kayguguwapo pa rin
mantakin mo walang kakupas-kupas, maniwala ka!

At pagmasdan ang ating mga lumang larawan
naku, ika'y matatawa kasi ang laki ng pinagbago ng iba
ang ilan nga ay kinikilig pag ang dating crush ay nakita
naku nakaka aliw naman talaga,  di ba?

Dito din mababalitaan ang iba ay may asawa na at anak
ang iba naman ay single , subalit masaya naman silang tiyak
ang iba namay pumanaw na lang at sukat ( RIP po)
datapwat mga kamay natin, nananatiling magkahawak.

Mga dati kong kababata,  naku nakakatuwa
kasi naman noon kaming lahat ay patpatin at uhugin 
pero ngayon makikisig ang ilan at ang iba’y malaman na
sa paningin ko nama’y ayos laang at walang pangamba

puno tayo ng kalokohan, asaran at kantyawan
panay tuloy ang tawanan at hagakgakan
kanda-ihi sa salawal paminsan- minsan
kita na ngala-ngala at hayan sumakit pa ang tyan!

Pag may ipinalaskat na ulam naku mantakin mo
parang tayong mga langgam 
una-unahang magkoment  at takam na takam
ako nga minsan ay nalalaway at tyan ay kumakalam

mahal kong ka-pantabangan sana tayo ay magkita
kung hindi man sa personal ay sa web camera
nang kahit kami ay nandito sa kabilang dagat pa
tuloy-tuloy ang ligaya at pangungumusta
  
Kung nasa Dubai, Qatar, Europa, o Canada
O Amerika, kahit saan mang sulok at lupalop ka pa
Welkam ka dito sa asaran ng mga katropa
Kaya't madali at mag member ka na
Mga kanayon ilabas ang  ari aju abakit ganun na!

Basta't walang mapipikon sa mga biro mga taga Napun-napon
Mga kasama at mga kabarkada kong maton
Kasi nga baka ikaw ay ibala sa kanyon
Katuwaan lang ito at tayo ay magtipon-tipon

Alay ito sa inyong lahat kabayan ko
Kasi nga ay mahal ko kayong totoo
Wag kayong magsasawa sa kakakomento
Nagbibigay inspirastyon  ito sa puso ko!

Hay naku nakakaloka ng totoo ito
Katuwaan lang ito wag iseryoso
Alam nyo naman lukaret si agnesiang totoo
Walang magawa kundi magpatawa sa inyo

Sana po ay wag tayong magbabago mga kaibigan
Pagiging magkakababayan ay ating  tibayan
Para matuwa naman si San Andres na patron ng Pantabangan.

Paswi at Pasyok


kumatok sa pinto ng kalarong mutaan at sipunan
na inakit at inuto upang ako samahan
na mang-umit ng blanco at alhambra sa aming tindahan
upang baunin sa isang batyang labahan

pagdating sa ilog na pumapalakat ang agos
nag-unahan sa puwesto para mag-redi sa pagkukusot
inilabas ang palu-palo at sabong bareta
at syempre pati ang sigarilyong itim na alhambra

sinubong pabaliktad ang naturang sigarilyo
nasa loob ang baga, parang tambutsong umuusok
tumutulo ang laway habang naglalaba  at nagbibida
mayamaya’y umikot ang mata, nahilo na pala

tinangay ng agos  ang labadang kinukusot
palibhasa’y nakahandusay na sa tabi ng ilog
kalaro ay  agad na kumuha ng dahong ambabangot
upang ipaamoy sa ilong  kong  puno ng kulangot

pag-uwi, binulaga ng mulagat na mata ni nanay
nalaman nya na ako’y nagpaswi, tumulo ang laway
kapagdaka’y humaginit sa hangin ang pamalong uway
ang malikaskasan kong tulatod, sa pasyok naglatay.
napa-aringking ako at halos humilahod sa kirot, aray!
at walang nasabi kundi: “aray ko po di na po uulit nanay”

Sa Iyo Aking Ina


Mula ng ako iyong isinilang
Namulat sa iyong kandungan
Anong saya ang aking naramdaman
Sapagkat dama ko ang iyong pagmamahal

Mahal kong nanay ikaw ang tanglaw
Sa aking buhay na mapangalaw
Ikaw ang nagbibigay kulay
Sa mundo na kung minsan ay mapanglaw

Salamat sa pag hubog sa aming kay husay
Hanggang ngayon ikaw ay gumagabay
Wala kamg sawa sa aming mag patnubay
Kaya naman kami ay ganito at  pumapagaypay

Pag aaruga mo sa amin ay walang katumbas
Pagmamahal mo ay di masukat
Dama ang init ng iyong yakap
Malayo ka man sa piling ikaw lagi ang pangarap
  
Kahirapan kami ay iniahon
Kahit na masungit ang panahon
Kami ay iyong itinaguyod
Di alintana anuman ang pagaod

Utang ko sa iyo ang aking buhay
Na hanggang nagyon ay aming taglay
Ipamamana sa aming mga inakay
Ang nahubog na mabuting asal

Oh nanay ko dasal ko sana ay humaba pa ang yong buhay
Upang makapiling ka pa ng mahabang panahon
Hindi mag sasawa na ikaw ay paglingkutran
Kasi naman ikaw ay walang kapantay
Nag iisa ka sa aming puso at isipan.

Salamat sa Panginoon ikaw ang sa amin ay ibinigay
Napaka palad namin ikaw ang naging Nanay
Oh Nanay!  Nanay ko!  mahal ka naming totoo
Di ipag papalit kahit kanino dahil nag iisa ka sa mundo!


Isang Maikling Kuwento ng Pag-ibig


Kami ay nagkakilala sa isang kilos-protesta
Sa University of the East,  doon sa Maynila,
Ang isyu noon ay pagtaas ng matrikula.

Hindi ko sya pansin at di kinilala,
Nasa isang tabi lang pero sa akin pala
ay nakakatulala na .

Tuloy pa rin ang  rali ng mga kasama,
Sa morayta,  sa Legarda hanggang  sa Mendiola,
Kahit mahapdi sa  tear gas ang aming mga mata
Ako pa rin ang tinitingnan nya!

Minsan , ang grupo namin ay nagbarikada
Sa aming paaralan, sa gawing Gastmabide ako napunta,
Doon daw nya ako unang napansin at nasilayan,
Palibhasa nga ako ay bago sa grupo
Kaya pansin agad ako ng loko!

Di naglaon, naging madalas  aming kilos-protesta,
At lagi na rin kaming magkasama,
Hanggang sya sa akin ay lumapit
Upang magtapat ng pag ibig, kay lupit!

Agad akong humanga sa mga salita niyang matalinghaga,
Ay naku, ako ay kinilig at natuwa
Isa pala siyang tunay at  kapani-paniwala;
Sa akin talagang  siya ay humanaga.

Nadala niya din ako sa long neck na Tanduay,
Tuwing walang pagkilos kami ay tumatagay;
Sa isang bahay ng kasamang taga-Sampalok,
Doon  panay ang aming gukgok.

Aba ang tinamaan ng lintek nang malasing,
Kinorner ako  sa isang sulok, mahalin ko raw siya at lahat iaalok;
Ako naman ay nagpakipot pero bumigay din opkurs,
Sa tanduay lamang pala magkakaayos .

Dalawampung taon na rin kaming nagsasama,
Walang pang kakupas-kupas ang aming pag sinta,
Di matitinag tulad ng isang matatag na barikada,
Tulad ng  alak, habang tumatagal lalong sumasarap.

Kaya hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang happenings
Salat man sa yaman ay hindi hadlang sa amin
Basta pag ibig ay sadyang  wagas
Tiyak magtatagal hanggang wakas.

Aanihin ang yaman kung  nag mamaang- maangan naman?
Nanaisin ko pa ang kahirapan basta tunay ang pagmamahal,
Sa wagas na pag-ibig, sigurado ikaw  makakamtan
Ang kaligayahang totoo at  walang hanggan.

Paalam Kapatid


natapos na ang pagdadalamhati,
natapaos ang gabi,
baon mo ang pait at pighati,
angkas mo sa lapnos mong puso
ang kapalaran mong di mo inaasam.

ipinaramdam sa iyo ang hagupit ng lupit,
pagmamahal na nais ay pinagkait,
kaysakalap,  kay lumbay
ng iyong pag panaw

nag-iisa kang nakahandusay,
ni isa walang naka-alam,
masakit isipin na ikaw  ay kulang
ng pagkalinga dito sa kandungan

subalit ngayon ikaw ay masayang maglalayag,
papalaot at maglalakbay,
makikita mo ang buhay na walang hanggan
kung saan doon mararanasan
tunay na kalayaan at katahimikan

baunin mo ang aming pagmamahal na tunay
at kahit kailan ma'y di ka malilimutan
dito ka naka-ukit sa aming pusong nagmamahal;
muli ay paalam, sa  paglalayag mo ay magpakahusay
sa kalawakan,  maging tanglaw ka sa aming buhay!

Dakilang Ama, Paalam


pagdadalamhati'y di pa natatapos
heto na naman pagtangis di pa nakaraos,
masamang balita aming nasagap
kami'y nabigla na lang at sukat
sa iyong pagkawala, walang kamukat-mukat;
nanamlay, naghiniyang sa iyong madaliang pamamaalam
kami ay nalugmok, mga tuhod ay naglambot ,
hindi  matanggap na kami ay iyong iniwan
pag mamahal mo sa aming lahat walang   katapat
ganun din naman kaming iyong mga kaanak

 dakilang ama   at asawa kaypalad ng iyong pamilya,
pag ibig mo ay wagas at walang kawangis
saksi ang Maykapal sa gulong ng iyong buhay
kay ganda , mapayapa at kaykulay,
dahil sa angkin mong ugaling magaling
pagmamahal mo ay walang katulad  na maituring
ang busilak mong puso at kabaitan mo ay  tunay
kaya kaming lahat sa iyo ay nag pupugay.

kay sarap sariwain mga alala napakasaya ,
kayganda , doon sa  alapaap hangin na lang ang magdadala,
pagmamahal at paggalang ay di mabubura
sa puso  ay ikaw ang idinidikta
 pighati namin ay sukdulan
paglisan  mo ay malaking kawalan
sa aming na  iyong angkan.

Ang loob namin sa iyo ay palagay 
kung kayat   kay sakit, kay  kirot na ikaw ay pumanaw    
subalit alam naming na ikaw dyan ay palagay      
walang  magagawa; buhay ay  hiram
sa Poong  maykapal

isama ang aming mapagpalayang pagmamahal
at panalangin na ikaw ay pagpalain,
 ipagaspas ang mga pakpak,  lumipad at sumikad
upang sa Kanya ay tumungo  
sa dako pa roon   na walang paghihirap.

Minamahal naming Tito Toty muli ay Paalam.!

The Greatest Love of All


Love can see without a mask,
A true vision of love,
It does rise without the height of hypocrisy,
only the spirit bound on ground.

It does give without waiting
of any exchanges in returns,
It lives not guided by its own will
but by the will of the father..

It is not selfish, it does not seek for itself,
It gives and shares more, waiting and expecting less,
It values eternal things not the temporal wealth of life,
Chooses to do what God commands, and not the evil wants,
Life is an apostulate of pasturing,
A good shepherd can give his own life,
Not afraid to the enemies willing to
protec the sheeps from the wolves til death..

Munting Paraiso


Matamlay na naman mababanaagan,
Isang umagang larawan ng dusa at kahirapan,
May kapit-bahay na tuliro paningi'y nakatungo sa kawalan,
Saang bundok uli aakyat hahanap ng kabuhayan?
Anong saklap naman naghigpit ang DENR,
Mga motor na hulugan at uling kumpiskado na,
Paano na'ng isasaing naghahabol lang sa gatang?
Mga anak ay naghihintay sumasakit na ang tiyan.
Kaya nangutang muna sa tindahan upang makaraos ng hapunan,
Tindera di'y dumadaing, puhuna'y nauwi na sa listahan,
Dumagdag pa mga empleyado na laging delay ang pasweldo,
Kawawa din sapagkat sa interes ng utang wala na ding masusuweldo.
Tumaas na naman ang langis, halaga ng petrolyo,
Kinatigan pa ng negosyante at mapagsamantalang kapitalismo,
Kinakalampag ang gobyerno rally doon, rally dito,
Sana naman ay mabagbag, maawa sa mga tao.
Kaawa-awang anakpawis hinanap ang katarungan,
Sinakdal ang punong hukom na tuta ng pangulong kawatan,
Sana ang katarungan ang tunay na mangibabaw,
Mga naglilitis na hukom huwag sanang mabulagan.
Wala na halos matino, karamiha'y pakunwari,
Ang matatamis nilang ngiti ay matinding pagbubully-bully,
Kay lamig nitong mundo, pusong bato ang mga tao,
Wala nakong masilip kahit munting paraiso.
Pasukob namang saglit sa pusong banal at may Kristo,
Napakarahas nitong mundo lundo ng kasamaa'y nakapanlulumo,
Wag sanang maanod sa agos ng kasalanan,
Malinis na pusong takbuhan na Diyos ang nananahan.
Panahon nila sa paglapang, mga layaw at katakawan,
Sa masaganang dulang ng kasalanan dugo ng tao ang pulutan,
Ngayon kayo nga'y humahalakhak, magpakaunod na sa layaw,
Sapagkat sa langit ay wala yan, doon lahat hahatulan!




Agos


Tuloy lamang sa paglayag itong buhay na kaloob,
Papalayon sa tahimik minsa'y masungit na panahon,
layag na munting bangka huwag sanang mabagabag,
Tahakin ang tuwid na landas at sa diyos pumanatag.
Layon na kapagdaka kumakampay ang pag-asa,
Ng alon na nagbabadya pamapalo sa munting bangka,
Nakatunghay lang sa iyo ang Diyos na dakila,
Mga ulap ant arw niya'y sagisag ng pagpapala.
May maalwa may nagdurusa, may malungkot at masaya,
kasamang manlalakbay na kapwa din nakikibaka,
May matagumpay sa pagsadsad, may sa laot na nawawala,
Ang mabuti at masama may katapusan din ang paghinga.
Parang dahon na natuyo sinansapyok na ng alon,
Ang palahaw ng kapwa walang pumansin at tumugon,
Samantalang tumatawa ang matatakaw na leon,
Sa pampang ay nag-aabang kahit bangkay na tinapon.
Ganyan ang agos ng buhay sumasabay sa daluyong,
Ang ibang mga pantas higit pa sa mga unggoy,
Silang mga salarin ng pagnanakaw at pandarambong,
Damit ay balat-tupa, mga lobo naman at buwaya.
Ang paghayon at pagtawid, lamunin man ng alon,
Kinakaya na tanggapin kahit prinsipyo ay itapon,
Ang pagdating daw sa pampang at madaliang pag-ahon,
Sinasabay na sa agos para sa matayog na ambisyon.
Maikot man ang daigdig ng bangka mo na magara,
Kung pagkatao'y sinanla na kapalit ng kayamang nasisira,
Hindi na naalala ang Kristong lumakad sa tubig noon,
Ang siyang daan ng buhay gabay sa agos na maalon.

Anong Klaseng Kalapati Ka?


Ika'y rosas sa umagang nasasamyo ng paghanga,
Nililipad ng talulot bawat pansin ng gumagala,
Ang natural na alindog niya'y inspirasyon ng balana,
Dalaga ng Pantabangan bulaklak kang sakdal ganda.

Sa ganda ng kalooban busilak ka na talaga,
Larawan ka ng pangarap walang anino ng pangamba,
Pakpak man ay mahina pa ay puno ka ng pag-asa,
Gumagawa ng paraan loob ay di nasisira.

Huwag sanang sa paglipad ipagpalit mo ang puri,
Ang dangal na makinang huwag matakpan ng salapi,
Naglipana ang mga salot masasamang budhi,
Alipin ng kamunduhan walang tigil sa paggapi.

Pinipitas nila'y ubod parang ibong malabagsak,
Prutas na hindi pa hinog gusto nila'y malabayawak,
Mga magulang bantayan nyo mga mura at batang anak,
Upang sa yaman na pamain sila ay di mapahamak.

Dalaga ng Pantabangan kasali ka ba sa Pandawan?
Ganda mo'y papalakpakan sila sayo'y maghihiyawan,
Ganun pa man kung manalo dangal mo'y pakaingatan,
Baka masungkit ng mga sukaban at mga ganid sa laman!

Dalaga ng Pantabangan anong klaseng kalapati ka?
Papawirin ay tanawin, lumipad at mangarap na,
Kung pag-asa mo ay nakitil lumaban at makibaka,
Ika'y kalapating may dangal, matapang at hindi biktima!

Kulay ng Bahaghari


Sumisilip na ang araw ngayon ay bukang liwayway,
Adhikai'y parang tulos sa damdami'y pinapanday,
Dumadaloy din sa dugo kasama nang nabubuhay,
Di titigil sa pag-aklas hangang tao ay mamatay.

Nangingiti kong pagmasdan humahawi na ang ulap,
Sa ngiti ng munting bata saya't pag-asa ang banaag,
Heto at may bahag-haring nakasilip, naghahayag,
Ng pag-asang ang buhay ay bubuti din, papanatag.

Kung lumitaw na ang arko sa buhay na panibago,
Dapat sana'y magtulungan sagipin ang kapwa tao,
Yan ang kulay ng bahaghari ang pag-ibig na totoo,
 Kulay na di pakunwari at pagbabalatkayo.

Gawin sana ang pagsagip tuwing baya'y nalulunod,
Ang gustong maging dakila dapat siya'y maging lingkod,
Kulayan natin ang langit ng bahagharing nakangiti,
Upang tanan ay maibsan ng suliranin at pighati.

Kayhirap nang magtiwala sa balatkayong mundo,
Sagad na ang kasamaan na ginagawa ng tao,
Wala na ngang ligtas kundi ang malinis na puso,
Kulay man ng bahaghari tumatamlay, nanlulumo..

Ballad of Pantabangan Cross


How sweet is to live following the footprints,
A step of rise and fall of the One beaten in the street,
From His bloody body dripped the blood and sweat,
Moist the soil of His pains, insurmountable torments.

The way of the cross is not hard to fathom,
When we empty ourselves of the desires of the world,
When we have lived and witnessed the mysteries of our town,
Then we can feel the brunts her mystery of sorrows.

Without angsts and complain you carry your cross still,
In the arid crises your children feel, you bravely carry upon your shoulders,
Patiently you walk on the roads of thorns and foments,
While your heart deeply bleeds, your mind and soul lament.

My beloved Pantabangan rise and carry your cross still,
At the end of the road a new life will spring,
You thirst now for the love and care of your children,
Many of them had betrayed you like Jude Iscariot in exchange for shining silver.

Along the ways of death to the place of the skull,
My beloved town faintly totters in the midst of its prey,
She seemed as kneeling before them,
Pleading relentlessly stop the abuses causing pains.

Yes my town yearns for a good heart,
Not those fake mourners who in her betrayal they took a part,
Not those who just snare behind, like vampires they suck all her blood,
Beloved townmates with a heart, have love and mercy for our town!

Before her nearing collapse and death,
I plea on you to ponder and think,
Like Jesus who've made known the gate of heaven and hell,
It's for us to see the ballads of the cross of our town mired in tears!

Palengke na naman

Palengke na naman madami ang mamimili,
Makakasalubong sa daan babati at ngingiti,
Mga ngiting pakunwari, pinipilit na ngumisi,
Ah eleksyon na naman pala, nagsakliwat ang mga peke.

May kakaway, may kakamay kahit di mo kakilala,
May yayakap at hahalik, halik Hudas laang pala,
Akala mo kaibigan, mga maamong tupa,
Sa loob nama'y kabulukan mga lobong maninila.

Gumagawa sila ng bitag na tayo din ang biktima,
mga walang lamang pangako, pera ang pamain nila,
Ang bayan ay sinisilo ginigisa sa mantika,
May kahalong pananakot at malupit na pandaraya.

Ilang pilak ba ni Hudas ang presyo ng bilasang isda?
Oh bayan ko magising na ika'y tahasang sinisila!
Kinabukasan mo'y wag isanla o ipagbili sa mga mandaraya,
Sapagkat sa bandang huli mga ank at apo mo ang kawawa.

Mag-ingat sa mga pirata, mga pulitikong mamimili,
Ang boto po ay ingatan huwag nating ipagbili,
Madami dyan manggagapang samantalang hating-gabi
Midnight sale ng KINABUKASAN, sa huli na ang pagsisisi!

Bangkang Papel


Napakagandang disenyo sa gilas hahanga kayo,
Pinasadya ang balangkas sa tubig ay maglalayag,
Lumarga na ang ilusyon nakapataw sa hinuha,
Sa pagbugso ng alon agad namang nasisira.

Ganyan din ang pangako magkabagay, magkapares, ,
Tila balsang naghihintay na sa panganib ay sasagip,
Hindi ka nga sasagipin at ilalangoy sa gilid,
Bagkus ika'y hahatakin sa malalim hihilahin.

Natunaw na at nasira pinasukan na ng sigwa,
Madami ang paimbabaw di tayo dapat magtiwala,
Sa gitna ng hirap natin diyos lang ang kumakalinga,
Mga pinuno'y kanya-kanya, nagtatainga silang lipya.

Bangkang papel, pulitiko iisa lang istilo nyo,
Nakapataw lang sa lundo ng pambubuyo at panloloko,
Sa dagat ng panganib nilulunod ang mga tao,
Kagaya ng bangkang papel, ilusyon at di totoo.

kasama ka

Pag-iisa'y kasama na mas matamis pang kasangga,
Habang tangan ay konting kape sa pag-asam ng konting saya,
Ng konting ngiti sa pisngi ng batang sa balana'y walang alam,
Ng pag-asang ang liwanag sa munting anak ay tatanglaw.

Magaan na harapin pa ang lungkot na lumayo,
Upang ang mga mahal ay iligtas sa mga taong walang puso,
Parang habagat na hinihintay upang ang layag ay tumayo,
Bawat bugso ay simbolo ng panalanging tumitimo.

Minsa'y parang inakay na tila walang masilungan,
Pagkat palagi ngang kapos at kulang sa pagmamahal,
Ang lahat ay titiisin, ang lahat ay kakayanin,
Wag lang sanang talikuran at tuluyan ng itakwil.

Kaysarap na ngang isaliw ang damdamin sa awitin,
Ng buhay at karanasan tuwing sasapit na ang dilim,
Sa kalumpon ng apoy, sa tahimik na harapanan,
Panaghoy ng bawat isa sa kanta na lang idadaan.

Malapit na ngang sumilay pag-asa't bukang liwayway,
Haharap sa simulang Diyos na ang aakay,
Sa kabila ng bagtasin ng kadilimang walang patid,
Bayan ko ang umaga sa iyo ay sisilay din...

hayaan


hayaang umagos ang tubig
kapag itoy may halamang dapat diligin,

hayaang lumipad ang ibon
kapag ito'y naghahanap ng kalayaan,

hayaang sumikat ang araw
kapag ito'y tapos na sa pagtago sa magdamag,

hayaang magpahayag ang tao
dahil kahit sino ay may karapatan.

alang pangkalso sa himagsik ng damdaming nagpipirwiling

alang pangkalso sa alaala at damdaming nagpipirwiling
kaunting kibot at nagrurupilon mga gunitang nakasulmok,
barahan man ng bato o burdon  lalo lamang rumarapok
alang patawad sa pagragasa, lahat kayang limbuwasangin.

masaling laang ang munting salita, halimbawa’y  bangkagan
agad nang kumakarulkol mga karanasang nakalibing na sa limot
iwinawahi ang mga hiblang nakabating  gaano man kasuknit,
at kumakaon pa ng yutang salitang tatak  ng bayang Pantabangan.

ari, aningkona rugo, anong dahilan at papayag tayong mapagot
ang ugat ng pag-ibig natin sa kandungan ng ating kamusmusan?
ari aningkona rugo, anong dahilan at papayag tayong  umangot
ang samyo ng bayang sa huling sandali ay ating hihimlayan?

kung sakaling may kadugong dumapurak sa dangal ni Minggan
kung sakaling may kalahing may padingil at marinat ang budhi,
bayaang umaringking siya at matuto sa sumpa ng sulpak na makni,
bayaang umungap siya sa dagunos ng dinakling niyang yamang-bayan.

sapagkat alang pangkalso sa himagsik ng damdaming nagpipirwiling,
narito tayo at nagdadapog sa ligamgam ng ating pagkakaisa at mga salita,
mutlagan man o tutukan ng baril, alang makakapigil sa ating pagragasa;
sino man ang sumumang,  ang timbangan ng katarungan sa inaapi nakakiling.
  

Bayang Pantabangan

Ang bayan kong mahal bayang Pantabangan,
Pinaliligiran ng bundok at parang
Malinaw ang tubig sa mga batisan,
Na pinagkukunan ng mga pang-ulam.

Nakukuha dito'y hipon, bulig, at bunod batis,
Bisukol, kabalyada, at susong pilipit
Ang lasa nito ay sobrang mapait,
Ngunit anong sarap habang sinisipsip.

Tahimik na mamamayan biglang ginulantang,
Ng balitang bayan ay palulubugin daw
Pagkat ito'y project ng Pangulong Ferdinand
Upang matubigan bukid sa kapatagan.

Sa ayaw at gusto kami ay sumunod
Kahit nalulungkot at may sakit-loob
At baka ito ay kaloob ng Diyos
Mamamayan sa huli'y liligayang lubos.

Kami'y inilipat sa gawing itaas
Binigyan ng oat meal at kaunting bigas
Ang bigas na ito'y matagal nang imbak
Kaya pag kinai'y walang kasarap sarap

Walang mga puno ang aming dinatnan
Kapos pa sa tubig at wala pang ilaw
At ang tangi namin na inaasahan
Ang tanker na baka sakaling magdaan.

May tubig sa gripo ngunit kulay pula
Di pwedeng gamitin kahit na panlaba
Kami ay nagtiis sa tubig na dala
Di man segurado baka ito'y marumi pa.

Ang bahay na bigay tulad ng isang hawla
Ang mga bintana ay walang panara
At wala ring CR gamit ng titira
Wala ring dibisyon na kanlungan sana.

Buhay Pantabangan tulad ni San Andres
Naging hanapbuhay ang lawak ng tubig
Tubig ang dahilan ng aming pagtitiis
Dahil din sa tubig ginhawa'y nakamit.

ANG HILING KO NGAYON SA AMA NG BAYAN
SANA'Y MAGING TAPAT SA PANUNUNGKULAN
MAGLINGKOD SA BAYAN NANG MAY PAGMAMAHAL
PAGKAT ANG PANAHON AY WEATHER WEATHER LANG...

Ang Talisaing Hilaw


sa isang banda, nung siya’y aking makilala
tumitilaok ang aking mga mata
ngunit pagkaraan ng ilang dekada
puros pailalim ang kanyang mga pusta
lumabas ang tunay na mga kaliskis buwaya.

bilin na bilin ng aking ama
wag papatulan ang gaya nya
talisaing hilaw na hilaw
pagkat sya’y kunyari pang derby
sa tiktikan ay ikukwitis nya.

ang sabi ng iba, akuy isang kahig isang tuka,
ngunit patuloy ang pakikibaka,
may isang cantonese na gigiri-giri,
may balahibong pulang-pula,
inakay nya ako sa kanyang bagwis na parang umbrella
binihisan at unti-unting iminulat ang aking mga mata.

"ako’y napatunganga sa aking nakita
bigla nyang sinabi na ako’yy di talisain" na katulad nya.

kung buhay ang iyong ama
tyak na sa akin sya pupusta,
maging logro dyes pa,
kaya wag mo ng luruk lurukin
ang nalalabi mung barya.
o sige largang larga." 

PANAGHOY NG BAYAN

Dumarating na 
Daloy ng pagbabago
Tubig na libingan ng mga alaala
At ng yaman kong kalikasan

Paalam sintang bayan, 
kung batid mo lamang
Taghoy mo’y punyal 
na nakatarak sa aking puso

Masakit mang pagmasdan 
Sisinghap-singhap mong kalagayan
Kailangang tiisin at tanggapin
Alang-alang sa hakang kaunlaran

"O bukid kung yaman
Bakit ako iniwan 
Dito sa kawalan"

O bukid kong kanlungan 
at banga ng mga alaala
Kaluluwa mo’y ialay sa tubig
Upang sa bawat inom ko nito’y 
Dumaloy sa ugat at dugo 
ng aking pangungulila

Paalam sintang bayan,
paningin ko’y hahalik 
sa bawat umagang ika’y matunghayan

SULAT PARA KAY INA


(PARA SA KARAWAN NG MGA MAGULANG)
Ina
halos 16 na taon na din ng huli kitang makita
tanda ko noon nang paluin mo ako
dahil nagnakaw ako ng balubad ni Patay na ilog,
sabi mo kahit mahirap laang tayo
ay hindi mo kami pinalaking magnanakaw
kasama mo akong nagpapatani sa kaingin ni kuyang Frod
kasamang nagsisimba tuwing Linggo

namimis ko na rin yung lagi mong iniluluto
na binagungang talbos ng ampalaya na may kamatis,
kahit alang tinapa masarap din;
kasama kitang nahiram ng bigas kapag alang maisaing

alam mo ina kung ang tawag nila sa akin noon ay pasusot na bata
Sir, na ang tawag nila sa akin ngayon!
kung noon nakikihiram laang ako ng bisikleta,
meron na din akong serbis na ginagamit ngayon --  maganda siya ina,
sabi ko sana, andito ka para maisakay kita, ililibot kita kahit saan
pero alam ko hindi ka sasakay, kasi uuk-ukin ka laang

sana ina nakikita mo kapag akoy kanilang pinapalakpakan
sana naririnig mo kapag sinasabi nilang magaling  ang iyong sinabi
sana nakikita mo kapag kumakain
at tinatanong nila ako kung ano ang gusto ko

Ina, kahit masarap na ang kinakain ko ngayon,
hinding hindi ko ipagpapalit ang luto mo kahit patani laang
kasi alam ko luto mo yon, kahit kung minsan alang bitsin
kasi nga alaman tayong pambili

Maganda na rin ang tinutulugan ko ngayon,
Malamig at aircon pero, Ina, hinding- hindi ko ipagpapalit
yung higaan ko noon, yung katabi kita,
tapos kapag mainit papaypayan mo ako
alam ko napupuyat ka, pero ginagawa mo yun makatulog laang ako

alam mo ina kung mayroon man akong hinihiling sa diyos,
sa mga oras na ito, sasabihin ko sa kanya
bigyan naman niya ako ng kahit isang minuto na maakap ka
para masabi ko sayo na salamat ina sa lahat ng ginawa mo sa akin

ina gusto ko palang sabihin sayo
alam ko at nakikita ko
mahal na mahal ka pa rin ni tatang hangang ngayon.

MALIGAYANG KAARAWAN NG MGA INA

ang bunso mong anak,

SWE

ALANG BULAANAN


Diman ako abogado, lalong diman ako husgado
Pero makalito na ang nangyayari sa bayan ko at sa bayan mo.
Ang vice mayor ng bayan na sinilangan ko,
Pinagbibintangan na nagrape ng isang babaeng menor de edad umano,
Pero itong si Romeo todo tanggi at ito daw ay hindi totoo.
Pano daw niya rereypin ang babae, kung siya ay lehitimong nobyo,
Kaya nabuntis ang babae, at walang nangyaring pilitan dito

Maraming gustong tumulong, sa nasabing kulat na babae,
Ang iba naman ay sinasakyan ang isyu, kasi nga balak nilang kumandidato,
Magagamit nga naman ito sa pagkuha ng boto.

Vice mayor kong kaibigan,
Ako ay diman nagbubulaan, alam mong kilala mula sa Conversion hangang Cadaclan,
Na ang tatay mo’y madaming naanakan,
Alam kong ikaw ay nasasaktan kapag ang tatay moy kanilang niyuyurakan
Sapagkat ika’y anak na tunay ng sa kanya’y nagmahal.

Nasabi mo minsan, ang kasalanan ng mga nauna ay hindi mo tutularan,
Gusto mo’y pagbabago para sa ikauunlad ng ating bayan ,
Lalot higit alam mo kung papano masaktan,
kung ang ama mo ay niyuyurakan.

Sa ngayon madami ang nalilito, alin nga ba ang totoo,
Sabi mo ito ay pakana lamang ng mga kalaban mo
Upang makahakot sila ng madaming boto
Totoo man ito o hindi, ako ay napamuni-muni
Nang marinig at makita ng asawa at mga anak mong itinatangi,
Na bukod sa kanilang ina na sa bahay ninyo ay namamalagi,
Meron pa palang iba, na sa puso mo itinatangi.

Alam kong alam mo kung ano ang nararamdaman
Ng isang anak na ang ama ay niyuyurakan,
Sapagkat tunay mo itong naramdaman at naranasan
Wag na tayong magbulaanan , hindi mo pweding sabihing sanay na sila dyan
Sapagkat nakasalalay dito ang kanilang dangal at kinabukasan

Para sa kanila hindi naman mahalaga, kung totoo o hindi
ang ibinibintang sa iyo, ang mahalaga ay maramdaman nila
lalo na ang iyong asawa na siya lamang ang nasa puso mo twina,
ngunit papano nga mangyayari yun , sa media ay inamin mo pa
na ang babaeng sa iyo’y nag-aakusa
inamin mong kayo’y magsyota talaga

ano kaya ang naramdaman ng bunso mo kaibigan,
alaman tayong bulaanan kung ano ang iyong nararamdaman,
kapag ang tatay mo ay pinagtatawanan,
yun din ngayon ang kanilang nararanasan
at kahit kailan hindi sila masasanay dyan.

Kaibigan ko ,
Wala akong hangad na masama sayo,
Ang inaalala ko lamang ay ang mga anak at asawa mo,
Kung ikaw ay kayang tagalan ang mga ito ,
Kasing tibay din kaya ng dibdib mo ang mga dibdib ng mga mahal mo?

Meron pang pag-asa, malaki pa ang iyong magagawa,
Upang maayos ang iyong pamilya,
Alalahanin mo lamang, na walang unang rerespeto sa iyo nang totoo,
Kung hindi ang asawa at mga anak mo,
Madami diyan sa iyong paligid  akala mo kaibigan mong totoo,
Pero nandiyan laang sila habang may pakinabang sa iyo.

Hindi ako banal o santo,
Upang ituro at sabihin sayo ang dapat mong gawin,
At  ikaw mismo alam mo kung ano ang totoo,
Dalangin ko laang na makayanan pa ng iyong pamilya,
Mga anak,asawa at ikaw mismo,
Ang mga pagsubok na dinaranas mo.

Isang maaliwalas na bukas. 

LAMPARA


1.
malulam na sinag
umaandap-andap
garapang basag
said na ang gaas
musingang dingding
na sawaling tadtad
umitim sa usok
sa isang magdamag

2.
dapit hapon na
bahagyang madilim
lamparang luma
sa pasimano nakabitin
pagsapit ng gabi
ilong ay mauling
sa kaunting dingas
ay may liwanag din

3.
mga gamugamo
umaaligid na sa iyo
inakit mo sila
ng kinang mong malabo
unahang makalapit
saka sila lalayo
mahina mong ilaw
minsan ay nakakapaso

4.
sa aking pag-sulat
ako'y nakadukdok
sa linya ng papel
mga letra'y nakaungos
natapos kong tula
ay gusut-gusot
puro pa bura
at lukot-lukot

5.
sasapit na ang umaga
pahina na din ang lampara
tilaok ng manok
ang kanyang kasabay
sa bukang-liwayway
lampara ay mamamatay
iniwang bakas sa kisami
parang anino lang ng dwende

6.
maghapong pahinga
ang aking lampara
napudpod niyang mitsa
kulang isang dipa
pakpak ng insekto
sa sahig naglipana
marami ding napinsala
kahit gapurit ang baga

7.
sa bote ng bilog ginawa
at puruntong na rutrut
ginto ng sigarilyo at lata
buo mo na ang lampara
ilaw nga naman ng tahanan
kung tawagin ng ilan
katulad din ng isang ina
magdamag kang babantayan

8.
gaya ng maraming tao
buhay ay panandalian
kung maliwanag ka ngayon
samantalahin mo lang
darating din ang panahon
mawawalan ka ng saysay
iniwan mong alaala
kung pangit ay abo lang

Ikaw ang aking alaala

1.  
Kung ako ay mawawala
Lumikha ka ng isang tula
Para sa aking nakaraan
Ikuwento mo ang aking talambuhay
Malungkot man o napakasaya
Ang katutuhanan ang iyong ipakita
Wag mo sanang kulangan at dagdagan
Mga nangyaring ikaw ang may alam

2.
At sa aking paglisan
Isulat mo ang isang kanta
Awiting may kabuluhan
Patungkol sa aking kasaysayan
May himig na malamyos
At malambing na salita
Magiisip ang tagapakinig
Mamamangha sa ating musika

3.
Kung hindi mo na maalala
Ang itsura ng aking mukha
Iguhit mo ang larawan ko
Sa papel na napakaluma
Hulaan mo ang aking anyo
Ng ako ay nabubuhay pa
Kulayan mo lang ng lapis
At tutulungan kita sa dati kong wangis

4.
Ikaw ang aking ala-ala
Dito sa maiiwan kong lupa
At sa ating muling pagkikita
Titingnan ko ang iyong mga obra
Ang larawan ko, awit at tula
Hahanapin ko kong iyong ginawa
Kung sa langit man iyon
Sabay nating babalikan ang kahapon

5.
Umaapaw ang aking kaligayahan
Sa mga alaalang aking iniwan
Sa maraming panahong paglalakbay
Sa lupang ating hiniram lang
Sa mga bagay na aking naranasan
Na ginampanan bilang nilalang
Sa mundong aking tinambayan
Ngunit ito ay panandalian lang

6.
Sa mga isla at lugar ng pinuntahan
May mga bakas akong naiwanan
Wag mo ng subukang sundan
Kung di ka maligaw baka di mo malimpasan
Sa mga taong aking nakaulayaw
Kanilang natatandaan iba-iba kong palayaw
Ipagtanong mo ang tunay kong pangalan
At iilan lang ang nakakaalam

7.
Sa araw na iyon nandito ka sana
Sa aking tabi nagpapatawa
Pawiin mo ang aking lungkot
At punasan mo ang aking luha
Hawakan mo ang aking mga kamay
Huling payo ibubulong ko sa iyo
Mahalagang tagubilin sana marinig mo
Wag sanang kalimutan mula sa tatay mo.

Serbisyong Makupad

Sabi sa akin ni ating Uping, yung nakatira doon sa may kaingin,
Ano naman na! itong nangyayari dito sa atin,
Ala ng maisaing, mahal pa ang tubig na pweding inumin.
Kung titingnan, napapaligiran  tayo tubig na napakalalim.
May planta pa ng kuryenteng kawad ay naglambitin.

Todo kayod tayo para lamang makabayad
pero patay-sindi ang ilaw, serbisyo’y makupad,
Kapantay natin ay yung mga nakatira sa siyudad,
samantalang kinikita natin halos di sumasapat.

Si Tang Inting maghapon kung magtrabaho,
kahit makuba tuloy pa rin Sabado man at Linggo
kasama ng mga anak kumakayod nang todo
Pero ang kinikita halos pambayad laang sa kuryenteng nakunsumo.

Aking naiisip ang mga paghihirap,
Ng mga taong nauna sa atin na pinanganak,
Tabong luha ang sa kanilang mata’y dumanak,
Bago lisananin ang lumang Bayang pangarap.

Pangako sa kanila’y buhay na masagana,
Loob ng bahay magliliwanag gabi at umaga.
Sila ay hindi na magpapasan ng timba,
Sapagkat sa kusina tubig ay dadaloy na.

Ngayon ang pangako sa kanila ay di makita,
buhay sa nilipatang bayan ay ibang-iba,
Ang inasam nilang buhay na maligaya
Tila yata isa na lamang malikmata.

Sabi naman ng aking kaibigan,
Ang pangakong yan sa ating mga tatang,
ibaon na lamang sa libingan, wag sisihin ang bagong pamahalaan.
kasalanan daw yan ng mga naunang sa atin ay nanungkulan.

Hindi ko naman ipinapapasana bagong pamahalaan,
ang mga pagkakamali ng ating mga Tatang,
pero gusto kong ibida tungkol sa  mga bayang aking napasyalan,
doon sa may nakatayong planta tulad sa ating bayan.

Tubig at ilaw nila ay di hamak na mababa sa pangkaraniwan,
samantalang dito sa atin, di ko malaman kung ano ang dahilan
kung bakit presyo ng kuryente ay katulad din sa kamaynilaan,
kaya hirap na hirap makabayad ating mga kababayan.

Naihalintulad ko tuloy si ating Uping sa tren na magigiba na,
Katawan niya ay pagal na pagal sa maghapong pagtintinda,
Ngunit kita niya parang ninanakaw, naglalahong parang bula
Sa taas ng singil sa kuryente, pagkain na sana sa kanilang mesa.

Ang tumatagaktak na pawis ng mga tulad ni ating Uping
ay nangangailangan ng ating malasakit at pagpansin,
Subalit tanong sa akin ni kuyang Efren, kakayanin kaya natin
Kung sarili nating pawis hirap na hirap tayong pahirin?

Samantalang  yung mga taong nakatalagang pagod nati’y pawiin,
 sa iba nakalingon, tila walang anumang napapansin,
sabagay nila ito pasanin, dahil hindi naman sila pawisin,
sagana sila sa aircon, tatak  pa nga ay Coolin

Ating Uping at kuyang Efren, tayo na laang ay manalangin,
na tayo ay pakinggan ni San Andres na Patron natin,
at sana ang mga kabataan natin ngayon ay matuto ring tumingin
sa kalagayan ng mga kababayang tulad ni ating Uping.

Kung ang mga nanunungkulan ay di na maasahan
na hanguin tayo sa kinasadlakang kahirapan,
kung sila ay patuloy na magmamaang-maangan
tayo na laang ang magkusa, ibangon ang Pantabangan.