IMIGRASYON

1.
Babalikwas sa umagang kaylamig,
Haharap sa pandesal
At itim na kapeng umuusok,
Maliligo, maghihilod,
Kaygulo ng isip.

Babalikwas pagkat gustong tumakas
sa hirap,  upang tiyakin ang bukas.

Sa pag-aabang ng sasakyan,
Makikipaggitgitan sa kalsada
Makikipagsiksikan, aagaw ng upuan,
Sisingit kahit malanghap
Ang hanging hitik sa anghit.

Dudugtong sa yatyatang pila
Ng mga nagnanais mangibang bansa;
Mamimitig ang mga ugat sa binti,
Aabutin ng tanghalian, ng hapunan
Manunuyo ang lalamunan,
kakalam ang sikmurang papakalmahin
sa pakikipagdaldalan sa ibang mga dila.

Ririndihin ng mga di-magkamayaw na ingay
At tanawin. May nagliligawan, may nagsisigawan,
May mga batang pumapalakat ng iyak.

Pagkatapos ng maghapong pagkabaktad
Sa init ng araw,
Sasalubungin naman ng init ng ulo
Ng guwardiyang minumuta;
At sa halip na papasukin,
Sasabihing sarado na at ikaw’y pauuwiin.

Lalong titindi ang pag-asam
Na makapasok na sa tanggapan
Makatuntong man laang sa carpet,
Mabugahan man laang ng hangin
Mula sa makinang pampalamig.
At sana, makausap ang taong puti.

At habang sinasalat ang masuknit na buhok
Iniisip kung anong lagay ng papeles.
Sa tambak ng mga aplikasyon
Halos hindi masilip,  halos di  mapansin
Ano kaya ang balita?

Kaylayo pa ng napitas mong  numero
Habang unti-unti ka nang namumutla.

Sa takipsilim ikaw ay uukyabit
Pabalik sa iyong pinanggalingan.
Sisingit ulit sa dasik na jip o bus,
Bitbit ang kabiguan sa maghapong
Walang napala.

Kinabukasan, muling babalikwas
Upang ulitin ang kahapong kalbaryo.
Muling makikipagdikdikan
Sa sangkatutak na taong nagmula
Sa kung saan-saang lupalop.

Mga taong tulad mo’y isang kahig-isang tuka,
Mga taong di susuko sa pagkahig
Matakasan lamang ang kahirapan.



2.

Sa pila, biglang napaaray
Ang matandang nakausli ang puwet,
Kinagat ng pilyong paslit.

May mamang umalis laang saglit
Sa pila ay di na nakabalik;
Ang mga puti, walang pakialam
Magutom man o himatayin
Ang mga taong umaamot ng kanilang pansin.

Sa oras nang medical exam
Kundi matuklasang ikaw ay may sakit
Na nakakahawa, o sakit na inimbento lamang
ng bayarang doktor,
Huwag gaanong mangamba,
Maglagay at makakalusot ka.

Sa pagkuha ng police clerance
Huwag kang mabibigla
Kung may kaso kang bubulaga,
Nagnakaw, nagdispalko, o kung ano pang bintang;
Maglagay nang maabsuwelto.

At sa pagkuha ng pasaporte,
Sa panibagong pagpila,
Halos makipagmurahan ka sa kinauukulan
Na umaastang matinong kausap
At sa iyo’y nagmamalasakit;
Pero pasaporte mo pala’y iniipit;
Maglagay nang dumaloy ang serbisyo.

Sa tinutuluyang apartment,
Makikisuyo ka sa pagligo
Para maibsan man lang ng pagod
Ang katawan mong nanlalagkit.

Pero Diyos ko ang tubig!
Parang nakiraang patak ng ulan
O kaya naman,  pagpihit mo ng gripo
Bubuga laang ang hanging amoy kalawang.

Pero titiisin ang lahat
pagkat di matitinag ang pangarap
Na abang buhay ay umunlad.

At magpapatuloy ka sa pakikipagsapalaran
Magpapatuloy ka sa pangingibang-bansa,
Nawa'y palarin ka.

No comments:

Post a Comment