kasama ka

Pag-iisa'y kasama na mas matamis pang kasangga,
Habang tangan ay konting kape sa pag-asam ng konting saya,
Ng konting ngiti sa pisngi ng batang sa balana'y walang alam,
Ng pag-asang ang liwanag sa munting anak ay tatanglaw.

Magaan na harapin pa ang lungkot na lumayo,
Upang ang mga mahal ay iligtas sa mga taong walang puso,
Parang habagat na hinihintay upang ang layag ay tumayo,
Bawat bugso ay simbolo ng panalanging tumitimo.

Minsa'y parang inakay na tila walang masilungan,
Pagkat palagi ngang kapos at kulang sa pagmamahal,
Ang lahat ay titiisin, ang lahat ay kakayanin,
Wag lang sanang talikuran at tuluyan ng itakwil.

Kaysarap na ngang isaliw ang damdamin sa awitin,
Ng buhay at karanasan tuwing sasapit na ang dilim,
Sa kalumpon ng apoy, sa tahimik na harapanan,
Panaghoy ng bawat isa sa kanta na lang idadaan.

Malapit na ngang sumilay pag-asa't bukang liwayway,
Haharap sa simulang Diyos na ang aakay,
Sa kabila ng bagtasin ng kadilimang walang patid,
Bayan ko ang umaga sa iyo ay sisilay din...

No comments:

Post a Comment