Munting Paraiso


Matamlay na naman mababanaagan,
Isang umagang larawan ng dusa at kahirapan,
May kapit-bahay na tuliro paningi'y nakatungo sa kawalan,
Saang bundok uli aakyat hahanap ng kabuhayan?
Anong saklap naman naghigpit ang DENR,
Mga motor na hulugan at uling kumpiskado na,
Paano na'ng isasaing naghahabol lang sa gatang?
Mga anak ay naghihintay sumasakit na ang tiyan.
Kaya nangutang muna sa tindahan upang makaraos ng hapunan,
Tindera di'y dumadaing, puhuna'y nauwi na sa listahan,
Dumagdag pa mga empleyado na laging delay ang pasweldo,
Kawawa din sapagkat sa interes ng utang wala na ding masusuweldo.
Tumaas na naman ang langis, halaga ng petrolyo,
Kinatigan pa ng negosyante at mapagsamantalang kapitalismo,
Kinakalampag ang gobyerno rally doon, rally dito,
Sana naman ay mabagbag, maawa sa mga tao.
Kaawa-awang anakpawis hinanap ang katarungan,
Sinakdal ang punong hukom na tuta ng pangulong kawatan,
Sana ang katarungan ang tunay na mangibabaw,
Mga naglilitis na hukom huwag sanang mabulagan.
Wala na halos matino, karamiha'y pakunwari,
Ang matatamis nilang ngiti ay matinding pagbubully-bully,
Kay lamig nitong mundo, pusong bato ang mga tao,
Wala nakong masilip kahit munting paraiso.
Pasukob namang saglit sa pusong banal at may Kristo,
Napakarahas nitong mundo lundo ng kasamaa'y nakapanlulumo,
Wag sanang maanod sa agos ng kasalanan,
Malinis na pusong takbuhan na Diyos ang nananahan.
Panahon nila sa paglapang, mga layaw at katakawan,
Sa masaganang dulang ng kasalanan dugo ng tao ang pulutan,
Ngayon kayo nga'y humahalakhak, magpakaunod na sa layaw,
Sapagkat sa langit ay wala yan, doon lahat hahatulan!




No comments:

Post a Comment