Anong Klaseng Kalapati Ka?


Ika'y rosas sa umagang nasasamyo ng paghanga,
Nililipad ng talulot bawat pansin ng gumagala,
Ang natural na alindog niya'y inspirasyon ng balana,
Dalaga ng Pantabangan bulaklak kang sakdal ganda.

Sa ganda ng kalooban busilak ka na talaga,
Larawan ka ng pangarap walang anino ng pangamba,
Pakpak man ay mahina pa ay puno ka ng pag-asa,
Gumagawa ng paraan loob ay di nasisira.

Huwag sanang sa paglipad ipagpalit mo ang puri,
Ang dangal na makinang huwag matakpan ng salapi,
Naglipana ang mga salot masasamang budhi,
Alipin ng kamunduhan walang tigil sa paggapi.

Pinipitas nila'y ubod parang ibong malabagsak,
Prutas na hindi pa hinog gusto nila'y malabayawak,
Mga magulang bantayan nyo mga mura at batang anak,
Upang sa yaman na pamain sila ay di mapahamak.

Dalaga ng Pantabangan kasali ka ba sa Pandawan?
Ganda mo'y papalakpakan sila sayo'y maghihiyawan,
Ganun pa man kung manalo dangal mo'y pakaingatan,
Baka masungkit ng mga sukaban at mga ganid sa laman!

Dalaga ng Pantabangan anong klaseng kalapati ka?
Papawirin ay tanawin, lumipad at mangarap na,
Kung pag-asa mo ay nakitil lumaban at makibaka,
Ika'y kalapating may dangal, matapang at hindi biktima!

No comments:

Post a Comment