Kulay ng Bahaghari


Sumisilip na ang araw ngayon ay bukang liwayway,
Adhikai'y parang tulos sa damdami'y pinapanday,
Dumadaloy din sa dugo kasama nang nabubuhay,
Di titigil sa pag-aklas hangang tao ay mamatay.

Nangingiti kong pagmasdan humahawi na ang ulap,
Sa ngiti ng munting bata saya't pag-asa ang banaag,
Heto at may bahag-haring nakasilip, naghahayag,
Ng pag-asang ang buhay ay bubuti din, papanatag.

Kung lumitaw na ang arko sa buhay na panibago,
Dapat sana'y magtulungan sagipin ang kapwa tao,
Yan ang kulay ng bahaghari ang pag-ibig na totoo,
 Kulay na di pakunwari at pagbabalatkayo.

Gawin sana ang pagsagip tuwing baya'y nalulunod,
Ang gustong maging dakila dapat siya'y maging lingkod,
Kulayan natin ang langit ng bahagharing nakangiti,
Upang tanan ay maibsan ng suliranin at pighati.

Kayhirap nang magtiwala sa balatkayong mundo,
Sagad na ang kasamaan na ginagawa ng tao,
Wala na ngang ligtas kundi ang malinis na puso,
Kulay man ng bahaghari tumatamlay, nanlulumo..

No comments:

Post a Comment