Pinaliligiran ng bundok at parang
Malinaw ang tubig sa mga batisan,
Na pinagkukunan ng mga pang-ulam.
Nakukuha dito'y hipon, bulig, at bunod batis,
Bisukol, kabalyada, at susong pilipit
Ang lasa nito ay sobrang mapait,
Ngunit anong sarap habang sinisipsip.
Tahimik na mamamayan biglang ginulantang,
Ng balitang bayan ay palulubugin daw
Pagkat ito'y project ng Pangulong Ferdinand
Upang matubigan bukid sa kapatagan.
Sa ayaw at gusto kami ay sumunod
Kahit nalulungkot at may sakit-loob
At baka ito ay kaloob ng Diyos
Mamamayan sa huli'y liligayang lubos.
Kami'y inilipat sa gawing itaas
Binigyan ng oat meal at kaunting bigas
Ang bigas na ito'y matagal nang imbak
Kaya pag kinai'y walang kasarap sarap
Walang mga puno ang aming dinatnan
Kapos pa sa tubig at wala pang ilaw
At ang tangi namin na inaasahan
Ang tanker na baka sakaling magdaan.
May tubig sa gripo ngunit kulay pula
Di pwedeng gamitin kahit na panlaba
Kami ay nagtiis sa tubig na dala
Di man segurado baka ito'y marumi pa.
Ang bahay na bigay tulad ng isang hawla
Ang mga bintana ay walang panara
At wala ring CR gamit ng titira
Wala ring dibisyon na kanlungan sana.
Buhay Pantabangan tulad ni San Andres
Naging hanapbuhay ang lawak ng tubig
Tubig ang dahilan ng aming pagtitiis
Dahil din sa tubig ginhawa'y nakamit.
ANG HILING KO NGAYON SA AMA NG BAYAN
SANA'Y MAGING TAPAT SA PANUNUNGKULAN
MAGLINGKOD SA BAYAN NANG MAY PAGMAMAHAL
PAGKAT ANG PANAHON AY WEATHER WEATHER LANG...
No comments:
Post a Comment