NAKAUKIT ANG IYONG MGA TITIK

(Kay Ina)

Sa iyong puso at utak
nakaukit ang pag-ibig
sa sinilangang bayan
na winalan ng kapalaran.

Sa anino mo nakakapit
hindi kinilalang sagisag;
walang diplomang nakasabit
subalit mataimtim, matarik
ang pangarap mong mahagip
ang mga salitang nakaidlip.

Nananalaytay sa iyong mga ugat
ang layon, batis, ilog
na isinakmol ng damduhalang irigasyon;
hindi kailanman malalagot
ang daloy ng iyong pagsumbat,
isa kang tapat na manunulat.

Isalaysay, ilathala
mga nakatagong adhika;
sa iyong kamay magmumula,
sa iyong utak babalong ang buhay;
nakaukit ang iyong mga titik
sa puso ko at utak.

No comments:

Post a Comment