alang pangkalso sa himagsik ng damdaming nagpipirwiling

alang pangkalso sa alaala at damdaming nagpipirwiling
kaunting kibot at nagrurupilon mga gunitang nakasulmok,
barahan man ng bato o burdon  lalo lamang rumarapok
alang patawad sa pagragasa, lahat kayang limbuwasangin.

masaling laang ang munting salita, halimbawa’y  bangkagan
agad nang kumakarulkol mga karanasang nakalibing na sa limot
iwinawahi ang mga hiblang nakabating  gaano man kasuknit,
at kumakaon pa ng yutang salitang tatak  ng bayang Pantabangan.

ari, aningkona rugo, anong dahilan at papayag tayong mapagot
ang ugat ng pag-ibig natin sa kandungan ng ating kamusmusan?
ari aningkona rugo, anong dahilan at papayag tayong  umangot
ang samyo ng bayang sa huling sandali ay ating hihimlayan?

kung sakaling may kadugong dumapurak sa dangal ni Minggan
kung sakaling may kalahing may padingil at marinat ang budhi,
bayaang umaringking siya at matuto sa sumpa ng sulpak na makni,
bayaang umungap siya sa dagunos ng dinakling niyang yamang-bayan.

sapagkat alang pangkalso sa himagsik ng damdaming nagpipirwiling,
narito tayo at nagdadapog sa ligamgam ng ating pagkakaisa at mga salita,
mutlagan man o tutukan ng baril, alang makakapigil sa ating pagragasa;
sino man ang sumumang,  ang timbangan ng katarungan sa inaapi nakakiling.
  

No comments:

Post a Comment