Isang Kaibigan


Mababasa sa iyong mga sulyap 
ang damdaming itinitibok ng iyong dibdib;
Hindi na kailangang buksan pa ang aklat
Upang tuklasin ang misteryo ng pamagat.

Sa talsik at buga ng iyong mga kataga
Na sinasagap ng mura kong isip;
Hindi maikukubli ang kinikimkim
na ayaw mamutawi sa iyong labi.

Kaytagal  naghilom ang hilam ng hapdi;
Mistulang siling labuyong piniga sa dila;
O kaya’y pamintang ibinudbod sa tao-tao --
Kaybagsik ng lason ng iyong mga salita.

Nakasampay sa tarangkahan ng iyong bakuran;
Ang lilim ng inililihim na kamatayan;
Nakahimlay ka sa nutnot na banig
At dinig ko ang ibinubulong mo sa unan.

Makalimutan kaya ang duguang gunita
Na tukong nakakapit sa iyong isip?
Dumugo man ang iyong mga mata sa pagpikit
Hindi maiwawaksi  ang mga ngisi ng gabing pisak.

Sumanib ka man sa bilis ng ipu-ipo;
Magpaikot- ikot, pataas, pababa,
Magpaikot-ikot, magpakataas-taas,
Babagsak ka pa rin sa lupang dati mong binagsakan.

Sa talakan, sa talaktakan sa palengke,
Mangangatog ang tainga, sasabog ang tutuli;
Walang patumanggang pagngawa
ng mga kapitbahay, sa kanto, sa tarangkahan, kahit saan.

Hindi ako nagparingas ng apoy;
Bagkus, ninais kong hipan ang mga usok
Na nagmula pa sa puntod ng iyong mga ninuno;
Pero ang siga mo'y  kusang sumiklab.

Kasabay ng mga alipatong pumaimbulog
Na parang nagkikislapang mga alitaptap,
Umindak sa ihip ng hangin at tumuya sa mga ulap
Pumailanlang  ang bulahaw ng iyong halakhak.

Sumalikop ang pait sa punit ng puso kong ulila
Pero hindi paghihiganti kundi habag ang saking igagawad;
Walang poot, haharapin kita hindi bilang kaaway
Kundi isang kaibigang dapat yakapin ng pagpapatawad.

No comments:

Post a Comment