PARUPARO

Liliparin ko ang langit,
Maglalambitin ako sa ulap
at dadapo sa iyong hardin.

Paruparo akong naglalambing,
Umaaligid sa iyong mga tanim;
Hahalikan ko ang bawat talulot,
Sasamyuhin ang bango,
Sisimsimin ang katas.

At sa aking galak, masuyong ipapagaspas
ang makulay kong mga pakpak,
sasayaw sa saliw ng hanging amihan.

Muli't muli kong babalikan ang iyong hardin,
Dadalawin, pupupugin ang iyong mga tanim
Na nagpapaligaya sa akin.

Ngunit bayaan mo ring aking linisin
Ang  lipak sa iyong mga kamay;
Bayaang bugahan ng tubig,
Bayaang aking haplusin.

Pagod mong katawan
Aking aawitan,
Bayaang pawiin, bigat ng suliranin.

Pansamantala ang halimuyak ng mga bulaklak
Na namumukadkad sa iyong hardin,
Pag dating ng bagyo, saglit lamang
at kapagdaka, tatangayin sila ng hangin;

Subalit ikaw, hardinero,
Ang pagmamahal mo sa iyong hardin,
Di hamak na mas masamyo
Kaysa mga bulaklak na iyong itinanim.

No comments:

Post a Comment