Palengke na naman madami ang mamimili,
Makakasalubong sa daan babati at ngingiti,
Mga ngiting pakunwari, pinipilit na ngumisi,
Ah eleksyon na naman pala, nagsakliwat ang mga peke.
May kakaway, may kakamay kahit di mo kakilala,
May yayakap at hahalik, halik Hudas laang pala,
Akala mo kaibigan, mga maamong tupa,
Sa loob nama'y kabulukan mga lobong maninila.
Gumagawa sila ng bitag na tayo din ang biktima,
mga walang lamang pangako, pera ang pamain nila,
Ang bayan ay sinisilo ginigisa sa mantika,
May kahalong pananakot at malupit na pandaraya.
Ilang pilak ba ni Hudas ang presyo ng bilasang isda?
Oh bayan ko magising na ika'y tahasang sinisila!
Kinabukasan mo'y wag isanla o ipagbili sa mga mandaraya,
Sapagkat sa bandang huli mga ank at apo mo ang kawawa.
Mag-ingat sa mga pirata, mga pulitikong mamimili,
Ang boto po ay ingatan huwag nating ipagbili,
Madami dyan manggagapang samantalang hating-gabi
Midnight sale ng KINABUKASAN, sa huli na ang pagsisisi!
No comments:
Post a Comment